Eugene Torre

(4 Nobyembre 1951—)

Si Eugene Torre (Yu·dyin Tó·re) ang unang chess grandmaster sa Asia. Itinuturing siyáng pinakamahusay na manlalaro ng chess o ahedres ng Filipinas noong dekada 1980 kasunod ng mga unang kampeon sa chess na sina NM Ramon Lontoc, IM Renato Naranja, IM Rodolfo Tan Cardoso, at ang yumaong GM Rosendo Balinas, Jr.

Isinilang siyá noong 4 Nobyembre1951 sa Lungsod Iloilo at batà pa’y hinasa na ng ama sa paglalaro ng ahedres. Labimpitong taon pa lámang si Torre nang makasáma siyá sa Olympics noong 1970 sa Siegen, Germany bilang manlalarong katuwang ng ikalawang Philippine International Master na si Renato Naranja. Pagkaraan ng dalawang taon, siyá na ang humawak ng unang puwesto sa Skopje Olympiad, at napanatili niyá ito sa loob ng dalawang taon pa hanggang doon sa Majorca, Spain.

Noong 1972, naging bahagi ng kasaysayan ng larong chess sa Filipinas ang pagkapanalo niyá kay Anatoly Karpov, ang kinikilalang pandaigdigang kampeon sa chess noon. Sa edad na 22 noong 1972, napanalunan niyá ang medalyang pilak sa World Chess Olympiad na ginanap sa Nice, France. Naabot niyá ang 2520 na mataas na puntos ng ELO. Pumasok si Torre sa Candidates Matches para sa World Championship noong 1984. Pampitong puwesto naman ang natamo niyá sa 1988 Greece Olympiad.

Sa loob ng halos apat na dekada ng paglalaro ng chess, naitalâ ni Torre ang 85 panalo, 104 tabla, at 34 talo. Kaisa- isa siyáng Filipinong manlalaro ng chess na nakaabot sa mataas na puntos na ELO 2600.

Sa ilang panahon ng kaniyang karera bilang manlalaro ng chess, 19 na sunod-sunod na Chess Olympiads ang sinalihan niyá na nilampasan ang dáting rekord na 18 na tangan ni Heikki Westerinen. Noong 2006, sumali si Torre sa2nd San Marino International Chess Open. Sa torneong ito natamo niyá ang ikapitong puwesto na pinakamataas na puwestong nakamit ng isang Filipino sa puntos na2612 na may katumbas ring 1,000 euro. (RGA) (ed GSZ)

Cite this article as: Torre, Eugene. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/torre-eugene/