Torógan

Bahay ng datu at pamilya nitó ang torógan sa Mëranaw. Ito ang pinaka- malaki sa mga bahay na matatagpuan sa teritoryo ng isang sultanato sa ilalim ng datu, palatandaan ng rangya, dangal, at pagiging pinunò. Wala itong dibisyon at sáma-sámang naninirahan dito ang mga kasapi ng pamilya ng datu.

Nása dakong harapan ng torógan ang makipot na bintanang ang kuwadro’y nauukitan ng okir. Mababà nang kalahating metro ang bahaging kusina na lugar para sa pagluluto at pagkain. Patulís ang tuktok ng bubong at malapad sa bahaging ibabâ na tulad ng salakot. Yari sa tabla ang mga dingding at ang buong estruktura ay iniaangat ng mga haliging yari sa punongkahoy at mga dalawang metro ang taas. Nakausli ang ilang tabla ng sahig upang maging panólong na nása dakong harapan ng torogan. Napapalamutian ng ókir ang sahig, panolong, bintana, at iba pang bahagi nitó. Idinisenyo itong bahay para maging matatag laban sa lindol. Nakalitaw lámang at hindi nakabaón sa lupa ang mga haligi.

Bukod sa pagiging tirahan ng datu, ginagamit din sa pagtitipon ng komunidad ang torógan. Ginaganap dito ang mga kasalan, lamayan, pulong, at mga paglilitis. Dito rin pinatutuloy ang mga panauhin. (RPB) (ed VSA)

Cite this article as: Torogan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/torogan/