Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Teodulo M. Topacio Jr.

(30 Nobyembre 1924—)

Kinikilála si Teodulo Topacio Jr. (Te·ó·du·ló To·pás·yo) sa kaniyang mahahalagang pananaliksik sa sakit na leptospirosis. Dahil sa kaniyang pag-aaral, nakumpirma ng mga dalubhasa ang pagkakaroon ng bakteryang leptospira sa Filipinas at kung paano ito naisasalin mula sa mga alagang hayop tungo sa mga tao. Dahil sa kaniyang pagsisikap na masupil ang leptospirosis at mapaunlad ang industriya ng paghahayupan sa bansa, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 30 Abril 2009.

Ang leptospirosis ay isang uri ng impeksiyon na dulot ng bakteryang leptospira. Inaatake ng bakterya ang lamángloob ng biktima at maaaring makamatay. Sa mga alagang baboy, ang sakit na ito ay nagdudulot ng biglaang aborsiyon at pagkabaog ng mga bulugan. Natuklasan ni Topacio na maaaring painumin ng antibiyotiko ang mga apektadong hayop upang mapigilan ang mga komplikasyon at maiwasan ang impeksiyon.

Kilalá ang husay ni Topacio sa larangan ng veterinary medicine. Naging tagapayo siyá ng mga proyekto at programa ng World Health Organization, UN Food and Agriculture Organization, at Asian Development Bank sa larangan ng paghahayupan. Nagturo siyá sa Kolehiyo ng Beterinarya sa Unibersidad ng Pilipinas at nagsilibing dekano nitó noong 1964-969. Malaki ang naitulong ni Topacio sa pagpigil ng Foot and Mouth Disease sa Filipinas. Pinangunahan niyá rin ang pagbalangkas sa Philippine Animal Health Code, isang panuntunang batas na mangangalaga sa kalusugan ng mga hayop sa bansa.

Isinilang siyá noong 30 Nobyembre 1924 sa Lungsod Maynila. Nakapagta- pos siyá ng kursong Veterinary Medicine sa Unibersidad ng Pilipinas at naging ganap na beterinaryo noong 1951. Nag-aral siyá sa Estados Unidos bilang isang iskolar ng US-AID noong 1955-1963. Nagsanay siyá sa Cornell University at New York State Veterinary College at nagtapos ng master sa Siyensiya sa Michigan State University at doktorado sa Veterinary Medicine sa Purdue University. (SMP) (ed VSA)

Cite this article as: Topacio, Teodulo M. Jr.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/topacio-teodulo-m-jr/