Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Geronima Tomelden-Pecson

(19 Disyembre 1896-31 Hulyo 1989)

Unang babaeng senador, lider ng suffragette, unang Filipino sa executive board ng UNESCO, si Geronima Tomelden ay ipinanganak sa Libsong, Lingayen, Pangasinan noong 19 Disyembre 1896 kina Victor Tomelden at Pacita Palisoc. Sa Lingayen siyá unang nag-aral at sa University of the Philippines nagtapos ng AB at MA. Napangasawa niya si Potenciano Pecson, kapuwa estudyante sa UP.

Nag-umpisa siyáng guro sa Maynila noong 1919-1926 at naging principal noong 1926-1934. Nagturo siyása Far Eastern University at sa Centro Escolar University noong1934-1941, at lumipat sa Zamboanga Normal School noong 1941 nang madestino ang asawa sa hukuman ng Lungsod Zamboanga. Sa panahon ng mga Japanese, naglingkod siyáng kalihim ni Pangulong Jose P. Laurel. Noong 1946, naging kalihim naman siyá ni Pangulong Manuel Roxas.

Noong 1947, kumandidato siyáng senador at nanalo. Makasaysayan ang kaniyang panalo hindi lámang dahil nakakuha siyá ng pangatlo sa pinakamalaking boto kundi dahil siyá ang unang babaeng senador sa Filipinas. Sa Senado, hinawakan niya ang mga importanteng lupon, gaya ng komite sa edukasyon, kalusugan at kapakanang pampubliko, at naging miyembro ng Commission on Appointments at ng Senate Electoral Tribunal. Naging tagapagsúlong siyá ng Compulsory Education Act of 1953, Vocational Education Act, Municipal Libraries Act, at iba pang batas pang-edukasyon.

Si “Senadora Imay” (ang naging palayaw niya) ay nahalal noong1950 sa ikalimang executive board ng UNESCO at muling nahalal noong 1954, ang unang Filipino at unang babae na nahalal sa gayong mataas na posisyon. Noong 1966, pinamunuan niya ang delegasyon ng Filipinas sa kumperensiya ng International Council of Social Works sa Washington D.C. at nahalal na miyembro ng executive board nitó. Marami pang ibang tagumpay si Senadora Imay, bukod sa tinanggap na matataas na gawad at parangal. Namatay siyá noong 31 Hulyo 1989. (GVS)

Cite this article as: Tomelden-Pecson, Geronima. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tomelden-pecson-geronima/