Aurelio V. Tolentino

(13 Oktubre 1867-5 Hulyo 1915)

Isang mandudula, makata, at mangangatha, si Aurelio Valenzuela Tolentino (Aw∙rél∙yo Va·len·zwé·la To∙len∙tí∙no) ang sumulat ng Kahapon, Ngayon at Bukas(1903), isang drama simbolika at pinakasikat sa mga dulang sedisyoso noong panahon ng Americano. Isa siyáng Kapampangan ngunit sumulat sa mga wikang Kapampangan, Tagalog, at Español. Aktibo siyáng Katipunero at kasáma ni Bonifacio sa kuweba ng Pamitinan noong 10 Abril 1895 sa isang lakaran para sa kalayaan.

makabuluhan ang kaniyang dulang Bagong Cristo (1907) dahil sa paksang manggagawa. Ang kaniyang nobelang Ing Buak nang Ester (1911) sa Kapampangan ay may saling Ang Buhok ni Ester (1914015). Nása Tagalog din at Kapampangan ang Maring (193 at 1914). Nása Español naman ang komedyang La Venganza de Robdeil (1891) at ang sarsuwelang Rizal y los dioses (1901). May mga tula siyáng tinipon sa Dakilang Asal (1907).

Isinilang siyá noong 13 Oktubre 1867 sa Guagua, Pampanga kina Leonardo Tolentino at Petrona Valenzuela. Isang sastre, sapatero, mandudula, at direktor ng mga komedya ang kaniyang ama. Nang mamatay ang kaniyang ama, itinigil niyá ang pag-aaral, bumalik ng Guagua, at nagturo sa isang pribadong paaralan. Minsan, ininsulto siyá ng isang Español at napagbuhatan niyá ito ng kamay. Upang hindi maaresto, nilisan niyá ang Guagua at nagtrabaho sa Tondo bilang klerk. Sa panahong iyong niyá nakilala si Andres Bonifacio. Siyam na ulit na nakulong si Tolentino; una noong pagsiklab ng Himagsikang 1896. Nakulong sa pangalawa at ikatlong pagkakataon si Tolentino dahil sa pagsusulat niyá sa La Independencia (1898) at La Patria (1899), at sa Filipinas, na pahayagang siyá mismo ang nagtatag. Noong 1903, sumáma siyá sa mga puwersang rebolusyonaryo ni Artemio Ricarte ngunit muling naaresto.

Si Tolentino rin ang nagtatag ng Katimawan noong 1910, ang kauna- unahang kooperatiba ng mga manggagawa sa bansa, at El Parnaso Filipino, isang paaralan na nagtataguyod ng wika, panitikan at kulturang Filipino. Nangasawa ni Tolentino si Natividad Hilario noong 1918 at nagkaroon silá ng apat na anak. Namatay siyá noong 5 Hulyo 1915. (JGP) (ed VSA)

Cite this article as: Tolentino, Aurelio V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tolentino-aurelio-v/