Titulo Torrens
Ang Titulo Torrens ay sistema ng pagrerehistro ng titulo ng lupa na nagbibigay ng patunay ng pagmamay-ari sa pangalang nása rehistro. Naipapása ang pagmamay-ari ng lupa sa pamamagitan ng pagpaparehistro ng titulo sa halip na ibang katibayan. Pinadadalî nitó ang transaksiyong panlupa, at ito lang ang kinikilala ng batas sa Filipinas bilang sukdulang katibayan ng pagmamay-ari. Hindi ito maaring talunin ng ano pa mang dokumento o kasulatan.
Nagmula ang Titulo Torrens kay Sir Robert Torrens, kasapi ng Unang Ministrong Kolonyal ng Timog Australia. Ipinakilála niya ang batas sa parlamento upang mapadali umano ang iskema ng pagpaparehistro ng lupa. Ibinatay ito ni Torrens sa mga transaksiyon ng sasakyang pandagat sa Merchant Shipping Acts. Noong Disyembre 1857, napagtibay ang kaniyang Real Property Act para sa pagpapása ng pagmamay-ari sa ilalim ng Titulo Torrens.
Sa Filipinas, pinagtibay ng Philippine Commission ang Act 496 na kilalá rin bilang Batas sa Pagpaparehistro ng Lupa noong 6 Nobyembre 1902. Binuo ng batas na ito ang Court of Land Registration, ang mga opisina ng Registers of Deeds, at ang institusyon sa bansa ng sistemang Torrens sa pagpaparehistro. Sinimulang ipatupad ang sistema sa Filipinas noong 1 Pebrero 1903. (ECS) ed VSA