tisà
Ang tisà ay naging pantawag sa dalawang bagay bagaman mula kapuwa sa wikang Español ang pinaghanguan. Una, mula sa Español na tiza ay tumutukoy ang tisà sa isang uri ng malambot, maputî, at butas-butás na mineral, at karaniwang ginagamit na pansulat. Ikalawa, mula sa Español na teja, ang tisà ay hinubog na parihabang putik, inihurno o ibinilad sa araw para tumigas, at ginagawang panding-ding o pambubong ng bahay.
Ang tisà bilang pansulat ay tinatawag ding yéso o tsok (chalk) at mula sa batong-apog (limestone) na binubuo ng calcite na calcium carbonate (CaCO3). Madalas itong nabubuo sa pinakababang bahagi ng karagatan dahil sa dahan-dahang pagkaipon ng coccoliths (gawa sa calcium carbonate) ng maliliit na organismo na tinatawag na coccolithopores. Ang tisa ay ginagamit na pansulat sa pisara, sa agrikultura para sa pagbabantay ng asim ng lupa, pang-iwas sa pawis sa kamay ng mga gymnast, panlinis ng ngipin, at fingerprint powder. Ginagamit din ang pulbos na tisa para ipampahid sa dulo ng táko sa bilyar. Sa Filipinas, maraming kuweba ang gawa sa batong apog, gaya ng Yungib Callao sa Cagayan.
Ang tisà ay higit na tinatawag na ladrílyo, mula sa Español na ladrillo, o brick sa Ingles kapag ginagamit na dingding o sahig. May manipis itong uri na ginagamit sa bu-bong, kayâ tina-tawag din noong bahay-na-tisà ang bahay-na-bato. Pinalaganap ang teknolohiyang ito sa panahon ng mga Español at isa sa itinuturing na gawain ni Padre Antonio Sedeño. Ang higit na pino at makintab na uri, semen-tado, at malimit na may disenyo ay tinatawag na baldósa (baldoza) at ginagamit na dekoratibong dingding o sahig. (CID) ed VSA