Manuel Tinio

(7 Hunyo 1877-22 Pebrero 1924)

Si Manuel Bondoc Tinio(Man·wél Bón·dok Tín·yo) ay pinakabatàng heneral ng Rebolusyonaryong Hukbong Filipino at namunò sa pagpapalaya sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon sa kamay ng mga Español.

Isinilang siyá noong 7 Hunyo1877 sa Licab, Aliaga, Nueva Ecija kina Mariano Tinio at Silveria Misadsad Bundoc. May tatlo siyáng babaeng kapatid. Ang angkan ng mga Tinio ay may dugong Chino at isa sa mga mariwasang pamilya sa Gitnang Luzon.

Nagtapos siyá ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran noong 1898. Nang taon din iyon, sumapi siyá sa Katipunan. Sa gulang na 19 taon ay nahirang siyáng heneral ng hukbong mapanghimagsik. Isa siyá sa mga kasáma ni Heneral Emilio Aguinaldo nang ipatapon sa Hong Kong noong 1897 at nanatili roon hanggang sa sumiklab ang Digmaang Filipino- Americano.

Nagbalik siyá sa Filipinas, at namunò sa mga rebolusyonaryo sa La Union, Ilocos Norte, Abra, at Cagayan. Kasabay nitó ang pagkahirang sa kaniya bilang tagapamunòng heneral ng mga rebolusyonaryo sa Hilagang Luzon.

Sumuko siyá sa mga Americano noong 8 Mayo 1901 pagkaraan ng isang labanan sa Sinait, Ilocos Sur. Nahalal siyáng gobernador ng Nueva Ecija noong 1907, at nahirang na direktor ng paggawa (1909) at direktor ng lupain(1913). Nagtamo rin siyá ng tagumpay bilang negosyante.

Namatay siyá sa sakit sa atay noong 22 Pebrero 1924 at inilibing sa Cabanatuan. Kadugo niyá ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Rolando Santos Tinio, pati ang atletang si Beatriz “Bea” Lucero. (PKJ) (ed VSA)

[cite]