tinggâ
Ang tinggâ o lead sa Ingles ay solido at metal na elementong may kulay na mamutî-mutîng asul. Nagiging kulay abo ito kapag matagal na hinayaan sa hangin. Nagiging makináng na katulad ng pilak naman ang kulay nitó kung tutunawin at nása anyong likido. Katulad ng tanso, ang tingga ay malambot at ma-dalîng nauunat, napaninipis, o napalalapad sa pamamagitan ng lakas at pukpok ng martilyo. May relative atomic mass ito na 207.2, melting point na 327.5 °C, at boiling point na 1740 °C. May atomic number na 82, makikita ang tingga sa hanay ng ibang mga metal at may klasipi-kasyong elementong natural sa Periodic Table.
Ang elementong ito ay may simbolong Pb, mula sa Latin na plumbum. Hanggang ika-17 siglo, itinuturing na mag-kapareho ang tingga at tinggang puti o tin sa Ingles. Ang tingga ay tinawag na plumbum nigrum na ibig sabihin ay itim na tingga at ang tinggang putî ay tinawag namag plumbum candidum. Ang tingga ay kinukuha sa ore ng siin, pilak, at tanso. Ang mineral na may pinakaraming tingga ay ang galena (PbS), ang iba pa ay ang cerussite (PbCO3) at anglesite (PbSO4).
Mababà ang kailangang temperatura para tunawin ang tingga kayâ ito madalîng naibubuhos sa mga bála ng baril bilang proteksiyon. Ginagamit din itong pampabigat sa kilya ng bangka at pampapabigat sa mga maninisid sa malalim na bahagi ng dagat. Isa rin sa mga pangunahing gi-nagamitan ng tingga ang baterya ng mga sasakyan. Dahil sa mga nakakalasong epekto ng tingga kung maisubò o maamoy, maraming dating aplikasyon nitó ang ipinatigil na. Halimbawa ang paggamit sa pinturang may tingga o lead na inilalagay sa mga laruan ng batà. Dahil naman sa karaniwang gamit nitó bilang pambálot ng punglo ay nakamihasnan nang tawaging “tingga” ang bála ng baril. Sinasabing “kumakain ng tingga” ang matapang at sumusugod kahit masinsin ang putukan. (CID) edVSA