tindaló

Ang tindaló (binibigkas ding tindalò) o balayóng ay punongkahoy na tumataas nang hanggang 25 metro, may malutong na kahoy ngunit matibay at madalîng mapak-intab, karaniwang gamit sa paggawâ ng muwebles at kasangkapang pambahay. Kabilang ito sa pamilya ng mga halamang Fabaceae, at may pangalang siyentipiko na Afzelia rhomboidea. Tinatawag din itong apaílit ng mga Pangasinan, baárong ng mga Bisaya at Waray, baráong at sángay ng mga Bikol, biálung ng mga Magindanaw, at ípil at magaláyaw o magalîaw ng mga Ibanag.

Salitan ang mga dahon ng tindalo na maaaring humabà nang hanggang 25 sentimetro at kadalasang waluhan sa bawat tangkay. Manilaw-nilaw na pulá ang bulaklak nitó, samantalang mapulá-puláng dalandan naman ang bunga nito. Matatagpuan ang tindalo sa malaking bahagi ng Fili-pinas lalo na sa hilagang Luzon at sa kagubatan ng Pala-wan at Mindanao.

Noong Oktubre 19, 1938, nagtanim ang dating pangulo ng Filipinas na si Manuel L. Quezon ng punòng tindalo para sa pagkilála ng pamahalaang pambansa sa Bacolod bilang isang siyudad ng Negros Occidental. Kasáma ni Quezon sa inagurasyon ang alkalde ng lungsod noon na si Alfredo Montelibano at ang gobernador ng lalawigan na si Valeriano Gatuslao. (ECS) ed VSA

 

 

Cite this article as: tindaló. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tindalo/