Timawà

Ang timawà ay isa sa tatlong saray panlipunan ng mga katutubong Filipino bago dumating ang mga mananakop na Español. Sila ang kumakatawan sa panggitnang uri sa lipunan, nása pagitan ng datu at maharlika at ng mga alipin. Sila ang nakararaming miyembro ng mga barangay. Tinatawag din silang timagua sa ibang mga ulat ng mga Español.

Malalaya silang mamamayan na hindi nagbabayad ng buwis sa kanilang datu. Kapalit ng pribilehiyong ito, nagaalay sila sa datu ng mga serbisyo gaya ng pagtatayo ng bahay, paggaod ng bangka, at pakikidigma. Bilang kapalit, nakatatanggap din sila ng proteksiyon laban sa mga kaaway at ng tulong gaya ng pagkakataóng lumahok sa kalakalan, manghiram o magpautang ng pera, mamili ng alipin, at gumamit ng lupa na nasasakop ng kanilang barangay. Bagama’t napapailalim sila sa kapangyarihan at proteksiyon ng isang datu, malaya ang isang timawa na mamili ng amo na kaniyang pagsisilbihan.

Sinasabing nagmula ang nasabing mga timawà sa mga anak ng datu at ng kaniyang mga timawang asawa at alipin. Ang iba naman ay mga dating alipin na pinalaya o matitimawà sa pamamagitan ng paninilbihan o pagbayad ng ginto sa kanilang amo.

Gayunman, sa wika ngayon ay nagbago ang kahulugan ng timawà. Pang- uri ito ngayon para sa tao na matakaw at parang gutóm na gutóm. Marahil, bunga ito ng pangyayari na noong panahon ng Español ay nalansag ang sinaunang kaayusang panlipunan. Sa pangyayaring ito, nawalan ng halaga at hanapbuhay ang mga timawa at naging pakainin ng lipunan. (MBL) (ed GSZ)

Cite this article as: Timawa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/timawa/