tiklíng
Ang tiklíng (Gallirallus striatus) ay isang uri na ibong katamtaman ang laki na karaniwang naninirahan sa mga tubigan ng India at Timog Silangang Asia. Ang lalaking tikling ay may korona at leeg na kulay kastanyas; itim na mayroong olibong kayumanggi sa gilid at may mga putól na putîng guhit ang mga balahibo; ang parte ng mukha sa pagitan ng matá at tuka, gilid ng mukha, at dibdib ay abuhin. Ang mga babaeng tikling ay mas ma- putla ang kulay kaysa lalaki—ang ulo ay kulay kastanyas na may itim at mas makakapal ang guhit na putî sa bandang tiyan. Kulay pulá ang matá ng lalaki at kulay kastanyas ang sa babae. Ang binti ay abuhin. Kulay lil- ang pulá ang tuka na may kayumangging dulo sa mga tigulang habang itim ang dulo ng mga inakay.
Mapagkubli at mahirap itong makita sa mga latian, sakahan, at kahit tuyong kapatagan. Karaniwang makikita sa mabababàng lugar hanggang sa lugar na may taas na 1100 metro. Matatagpuan sa mga tagong kanal, lawa, at bakawan na may makakapal na damo at tambo, bansi, bangkuwang. Nagpaparami ito tuwing Agosto at Sety-embre. Maingat ang pagkakatago ng pugad na yari sa damo at nakapatong sa lupa o damuhan sa gilid ng mabababaw na tubigan. Nangingitlog nang tatlo hanggang anim, kulay putî at mayroong batik na pulá, kayumanggi, at lila. Lumilikha ng matining at da- lawang notang tunog na terrek o ang tila ungang kets, kets, kets na inuulit nang 10 hanggang 15 nota na sa umpisa ay mabagal hanggang sa bumilis at magwawakas nang papalahò.
Matatagpuan ito sa India, timog silangang China, Taiwan, Sumatra, Java, Lesser Sundas, Sulawesi, at Borneo. Sa Filipinas, matatagpuan sa Basilan, Busuanga, Camotes, Cebu, Guimaras, Jolo, Leyte, Luzon, Marinduque, Mindanao, Mindoro, Negros, Palawan, Panay, Samar, Sibuyan, at Siquijor. Sinasabing ang popular na sayaw na tinikling ay isang paggaya sa galaw ng naturang ibon. (KLL)