Toribio Teodoro

(27 Abril 1887-30 Agosto 1965)

Isang halimbawa ng masipag at malikhaing entrepreneur, mulang kahirapan ay naging milyonaryo, ipinanganak si Toribio Teodoro (To·ríb·yo Te·o·dó·ro) noong 27 Abril 1887 sa baryo Matang Tubig (Grace Park ngayon), Lungsod Kalookan sa maralitang mag-asawang sina Julian Teodoro at Apolinaria del Mundo. Ni hindi siyá nakatapos ng elementarya. Sa gulang na 12 taón, namasukan siyá sa El Oriente, isang pabrika ng tabako, sa suweldong80 sentimo sanlinggo upang makatulong sa magulang.

Ngunit tigib siyá ng ambisyon at determinasyon. Nais niyang magsimula ng sariling negosyo. Hinimok niya ang kaibigang si Juan Katindig at noong 14 Nobyembre 1910 ay nagbukás sila ng isang munting talyer sa 821 Kalye Cervantes (Abenida Rizal ngayon) na nagtitinda ng sapatos at tsinelas na may tatak na “Ang Tibay.” Namuhunan silá ng P210 at P30 ang sosyo ni Katindig.

Nagwakas ang sosyuhan noong 1921 nang ipasiya ni Katindig na pumasok sa ibang negosyo. Sa pamamagitan ng nakahating P43,000 itinatag ni Teodoro ang kaniyang sariling pabrika ng sapatos na Ang Tibay noong 1922. Sa maingat at maayos niyang palakad, umunlad ang Ang Tibay at pagkaraan ng 10 taón ay naging isang malaking industriya sa Filipinas.

Kahit hindi nakatapos ng pag-aaral, nakapagsasalita sa Español at Ingles si Teodoro. Magalíng siyáng sumulat sa Tagalog. Noong 1958, binigyan siyá ng doktorado sa pamamahala ng negosyo, honoris causa, ng National Teachers College. Noong 1961, tinanggap niya ang gawad Legion of Honor. Unang asawa niya si Florentina Alcantara. Nang mamatay ito, muli siyáng napakasal kay Maria J. de Teodoro at nagkaroon ng anim na anak. Namatay siyá noong 30 Agosto 1965 sa Frankfurt, Germany hábang nagliliwaliw sa buong mundo. (GVS)

Cite this article as: Teodoro, Toribio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/teodoro-toribio/