táyom
Ang táyom ay palumpong na masanga at tumataas nang isang metro, nababalot sa makapal na balahibo ang mamula-muláng kayumangging tangkay, biluhaba ang dahon, mamulá-muláng lila ang tila gisantes na bulaklak, may bungang tíla sampalok ang hugis na nababalot ng kayumangging balahibo at nakukuhanan ng tinà. Tinatawag din itong tágum ng mga Waray at tina-tinaan ng mga Tagalog. Kabilang ito sa pamilya ng mga halamang Leguminosae at may pangalang siyentipiko na Indigofera hirsuta. May ilang táyom na maaaring tumubò bilang isang maliit na punòng may taas na hanggang anim na metro.
Katutubo ang táyom sa Asia at Africa at minsang sinubok na alagaan upang magsilbing pampataba ng lupa. Ga-yunman, mas madalas itong makita bilang ilahas, na tumutubò sa mga parang at damuhan, at sa pampang ng mga ilog, lawa at batis. Mahirap anihin ang mga buto ng táyom dahil madalas na natutuyo agad ang halaman kapag gumulang ang mga buto. (ECS) ed VSA