táwa-táwa
Ang táwa-táwa ay isang balahibuhing yerba na tinatawag ding gatas-gatas at tumutubò sa mga damuhan at kahit sa gilid ng mga daan. Katutubo ito sa Filipinas at sinasabing nakapag-papagaling sa mga may dengge at isa sa mga kinikilalang halamang-gamot para sa iba’t ibang karamdaman. Mayroon itong pangalang siyentipiko na Euphorbia hirta.
Isa sa mga nanguna sa pag-aaral sa kakayahang magsilbing lunas ng tawa- tawa ay ang Philippine Council for Health Research and Development o PCHRD. Maaari umanong makapagpatibay ng butó ang halaman dahil sa pagtataglay umano nitó ng metalloproteinase na tumutulong sa mabagal na pagtanda ng kartilago. Ang katas na matatagpuan naman sa sanga ng halaman na nagtataglay ng ethanol ay mabisà umanong gamot sa sugat, pigsa, kulugo at iba pang sakit sa balát. Mabisà rin umanong gamot sa pagtatae at nakatutulong sa pagpupurga ang táwa-táwa. Samantala, ang mga dahon ng halaman na pinakuluan ay nakatutulong sa paglalabas ng plema ng isang táong may ubo; gayundin, nakatutulong ito sa mga may hika. (ECS) ed VSA