taríktik

 

Ang taríktik (Penelopides panini) ay ang pinakamaliit na kalaw sa Filipinas. Mula sa pamilyang Bucerotidae na kinabibilangan ng mga kalaw. Itim ang balahibo nitó sa likod at pakpak at maruming putî na may maputlang di-law ang balahibo sa leeg at tiyan. Ang mga lalaking tariktik ay may kremang ulo at leeg, putîng dibdib, kremang bun-tot na mayroong itim sa dulo, itim na tuka, at mapusyaw na rosas ang kulay ng balát ng matá. Ang mga babaeng tariktik naman ay mayroong buntot at tuka na gaya sa lal-aking tariktik, itim ang plumahe, at bughaw ang balát ng matá. Ang mga tariktik ay naninirahan nang magkakasá-ma sa mga mataas na punongkahoy sa mga kagubatan. Maiingay ang mga ibong ito at lumilikha ng tunog na ta-rik-tik kayâ nakuha nitó ang naturang pangalan. Bagaman maiingay, mahirap makita ang mga ito dahil nakapagkukubli sa makakapal na yabong. Prutas ang pangunahing pagkain nitó. Kumakain din ng mga insekto tulad ng salagubang at langgam at kung minsan ay bulate.

Matatagpuan sa mga isla ng Panay, Negros, Masbate, at Guimaras a n g subspecies na Penelopides panini panini. Inilagay ito sa kategoryang endangered species ng IUCN dahil sa mabilis na pagkaubos sanhi ng panghuhulí at pagkasira ng mga kagubatan. Samantala, nása Ticao, bahagi ng Masbate, ang Penelopides panini ticaensis o ang Ticao Tariktik na hulíng namataan noong 1971 at pinaniniwalaang naglaho o napuksa na. (KLL)

 

Cite this article as: taríktik. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tariktik/