Tarháta Kirám

(1904-1979)

Isang dugong bughaw na Tausug, modernang feminista, ngunit iginagálang na tagapagtanggol ng karapatang Muslim, si Prinsesa Hadja Tarháta Kirám ay isinilang noong 1904 sa Sulu at anak ng sultan ng Sulu, si Mohammed Esmali Kiram, ngunit inampon ni Sultan Jamalul Kiram II. Bantog siyá a kaniyang kagandahan, tigas ng loob, mga liberal at feministang kaisipan na nauna sa kaniyang panahon.

Ipinadalá siyá noong 1904 bílang unang babaeng pensiyonado at nagtapos sa State University ng Illinois. Ngunit pagbalik sa Sulu ay bumalik siyá sa pagsusuot ng sablay at sawwal at gamit na tradisyonal. Nadismaya ang mga Americano nang pumayag siyáng ikatlong asawa ni Datu Tahil, isang Tausug na rebelde. Itinapon siyá sa isang isla ngunit matapos ang tatlong taón ay bumalik na aktibo sa politika. Sa panahong iyon ay humina na ang kalooban ni Datu Tahil at sumuko noong 8 Pebrero 1927. Nahatulan siyáng mabilanggo ng 10 taón.

Dalawang ulit pang nag-asawa si Prinsesa Tarhata: kay Datu Buyungan at sa abogadong Kristiyano na si Salvador Francisco. Naging aktibo siyá sa mga proyektong may pakinabang sa mga Muslim. Isa sa malaking laban niya kasáma si Senador Hadji Butu Rasul ang pagtanggi sa Bacon Bill noong 1927 na naglalayong ihiwalay ang Sulu sa Mindanao. Isa siyá sa mga tagapagmana ng isla ng Sabah, na pinaupahan ng Sultan ng Sulu sa mga British at ayaw nang isauli. Noong Hulyo 1977, pinangunahan niya ang ibang tagapagmana sa itakwil ang kanilang karapatan sa isla bílang pag-alinsunod sa nais ni Pangulong Marcos na maisaayos ang ugnayan sa Malaysia.

Namatay siyá sa atake sa puso noong 23 Mayo 1979. Bílang parangal, nagtayô ng isang marker sa kaniyang alaala ang National Historical Institute noong 1984 sa Jolo, Sulu. Nagpalabas din ng isang selyo na may larawan niya. (GVS)

Cite this article as: Tarhata Kiram. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tarhata-kiram/