Pablo T. Tapia
(26 Hunyo 1908-22 Marso 1967)
Huwaran sa paglilingkod para sa kagalingan ng komunidad, tumanggap si Pablo T. Tapia (Páb·lo Ti Táp·ya) ng Gawad Ramon Magsaysay noong 1964 dahil sa pagbuhay niya sa bangkong rural sa Tanauan na maraming naitulong para sa kaunlaran ng mga kalalawigan.
Isinilang si Pablo noong 26 Hunyo 1908 sa Tanauan, Batangas, maagang naulila sa ama, at naging magsasaka pagkatapos ng high school noong 1928. Napangasawa niya si Lolita Oñate na nasawi sa ligaw na bála noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa malalâng epekto ng usura pagkaraan ng digma, naisip niya at ilang kababayan na itatag muli ang Tanauan Square Deal, isang savings and loan association na itinatag bago magkadigma ni Dr. Juan Pagaspas para mailigtas ang mga maralita laban sa mga usurero. Isa sa mga ingkorporador noong 1947 si Atty. Basilisa Carandang, na naging ikalawang asawa ni Pablo. Pinatakbo nilá kahit walang suweldo ang Square Deal. Nangampanya si Pablo sa mga baryo para ipaliwanag ang kabutihan ng asosasyon. Mula sa panimulang deposito na P40, ang Square Deal ay may kapital nang P300,000 noong 1950.
Hindi naghinto si Pablo ng pag-iisip ng paraan para makatulong sa mga dukha. Kinontak niya ang UP Los Baños at nanghingi ng mga bagong kaalaman para sa pagsasaka. Dahil sa pagsulong, ang Square Deal ay naging kaugnay ito ng Farmers Cooperative Marketing (FACOMA) sa Tanauan at naipatayô ang palengke ng bayan. Naging interesado ang Philippine Bangkers’ Association sa Square Deal at noong 22 Pebrero1951 ay inaprobahan ng Bangko Sentral ang kumbersiyon nitó sa isang bangkong komersiyal sa pangalang Square Deal Banking Corporation. Sa 90 istakholder nitó, 25 ang magsasaka. Noong 1957, nareorganisa itong Philippine Banking Corporation. Nanatiling kaugnay nitó ang FACOMA sa Tanauan na si Pablo ang manedyer. Bukod sa mga gilingan ng palay at mais, nagkaroon ito ng lumber yard, groseri, hardware store, at imprenta.
Nagtayô pa si Pablo ng isang mobile bank para mapaglingkuran ang mga batà at maturuang magtipid. Hindi nagtagal, pati mga titser at maliit na negosyante ay kliyente na ng mobile bank. Noong 1964, pinarangalan si Pablo ng Gawad Ramon Magsaysay bílang modelo ng liderato sa komunidad. Namatay siyá noong 22 Marso 1967. (GVS) isang simbahan sa Tanauan, Batangas.