Tapáyang Maítum
Ang Tapáyang Maítum ay tawag sa natuklasang 29 tapayan noong 1991 na may mga takip na hugis at mukhang tao at natagpuan sa yungib ng Ayub sa Pinol, Maitum, Saranggani. Ipinangalan ang mga tapayan sa pangalan ng munisipyo.
Ang mga tapayang nilikha noong Panahong Metal ay ginamit sa pangalawang paglilibing. Sa mga sisidlang ito inilipat ang mga labí ng yumao mula sa orihinal nitóng libingan. Ang ganitong kaugalian tungkol sa mga patay ay laganap sa Timog-silangang Asia.
Ang bawat isa sa 29 tapayan ay natatangi— may payak, may madisenyo, may butás-butás, at may napipinturahan, na karaniwang pulá at itim. Ang mga takip na animo’y ulo ng tao ay naglalarawan ng iba’t ibang emosyon— kasiyahan, kalungkutan, at kapanatagan. May mga tapayang may ngipin at mayroong bungi. Bukod sa mga ito, may natagpuan ding mga sisidlan na may braso, tenga, dibdib ng babae, at/o pusod.
Mahalaga ang mga Tapayang Maitum sa paglalarawan sa mayamang kultura sa arkipelago bago ang pananakop ng mga Español. Kasama ng mga tapayan ang iba pang sinaunang kagamitan sa kuweba ng Ayub, katulad ng mas maliit na mga palayok at mga kagamitang yari sa salamin at kabibe na ginawang alahas. Patunay lamang ang lahat ng ito sa mataas na antas ng kasanayan at pagkamalikhain ng sinaunang mga Filipino. (JM) (ed VSA)