Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

tansô

Ang tansô ay solido at metal na elementong may mamumulá-muláng kulay. Ito ay malambot at madalîng nauunat, napaninipis, o napalalapad sa pamamagitan ng lakas at pukpok ng martilyo. May relative atomic mass ito na 63.546, melting point na 1083 °C, at boiling point na 2567 °C. May atomic number na 29, makikita ang tanso sa hanay ng transition metal at may klasipikasyong elemen-tong natural sa Periodic Table. Ang elementong ito ay may simbolong Cu, mula sa salitang cuprum. Noong panahon ng mga Romano, aes Cyprium ang itinatawag sa tanso. Ang aes ay Latin para sa alloy ng nasabing elemento at ang Cyprium ay mula sa Cyprus, lugar na bantog noon sa namiminang tanso.

Ang tanso ay namimina bilang mga copper sulfide na chalcopyrite at chalcocite, bilang mga copper carbonate na azurite at malachite, at bilang oxide mineral cuprite. Ginagamit ang tanso na purong metal o kayâ ay bilang alloy na bronse. May mataas na konduktibidad ng koryente ang tanso at, hindi katulad ng maraming metal, madalîng baguhin ang anyo gamit ang lakas at puwersa ng kamay o makina. Dahil dito, ang pangunahing gamit ng nasabing metal ay sa kawad ng koryente. Ilan pang nakatutulong na katangian ng tanso sa industriyang elektrikal ay hindi madalîng nababago ang laki kung naiinitan, hindi kinaka-lawang, at hindi madalîng napuputol. Ang mga katangian ding ito ang dahilan kung bakit ginagamit na proteksiyon ang tanso sa mga gusali at iba pang bagay na kailangan ng bakal na hindi madalîng kalawangin.

Ilan sa mga minahan ng tanso sa Filipinas ay matatagpuan sa Benguet, Cebu, Zamboanga del Norte, at Albay. Isa sa mga pinakamalaking sakuna sa pagmimina sa bansa ay ang sa minahan ng tanso sa Marinduque noong 24 Marso 1996. Ang Marcopper Mining, isang korporasyong Canadian, ay nagsimulang magmina ng ore sa Bundok Tapian noong 1969. Nang maubos, lumipat ang pagmimina sa kalapit na San Antonio noong 1990. Sa araw ng trahedya, nasira ang daluyan ng nakalalasong mga kemikal ng pasilidad at umagos ito sa mga ilog ng Makulapnit at Boac. Nagkaroon ng pagbahâ at nalubog ang Barangay Hinapulan sa anim na pulgadang putik at tubig, 400 pamilya ang nawalan ng tirahan, 20 barangay ang pinalíkas, at idineklarang patay ang buong ilog ng Boac dahil sa mga nalasong isda, halaman, at ibang yamang-tubig.

Dahil napagkakamalang isang higit na mataas na uri ng mineral, naging kasabihan ang “tansô” kaugnay ng huwad at pandaraya. Tinatawag na “mananansô” ang estapador o nagtitinda ng huwad na alahaas. Kinaaawaan naman ang biktimang “natansô.” (CID) ed VSA

 

Cite this article as: tansô. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tanso/