tanglád
Ang tanglád (Cymbopogon citrates) ay isang bungkos na damo na matagal ang búhay. Ang dahon nitó ay lumalaki ng hanggang isang metro na may lapad na 1-1.5 sentimetro, magaspang ang ibabaw, papatulis ang dulo, at makinis sa ilalim. Ang uhay nitó ay 30-80 sentimetro ang habà na may nagbubukong mga sanga at tangkay. Ang yunit ng bulaklak nitó ay tuwid na hugis sibat at may habàng anim na milimetro.
Ito ay itinatanim dahil sa mabango nitóng mga dahon. Ang tanglad ay nabubuhay sa mga mainit na lugar. Ang pagpaparami nitó ay sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga hinati-hating ugat. Ginagamit din itong sangkap sa mga lutuin dahil sa masarap nitóng amoy at kakaibang asim at maanghang na lasa. Ang tanglad ay meron ding langis na ginagamit namang sangkap sa paggawa ng mga pabango, kosmetiks, at sabon. Mabisà din itong pantaboy sa mga insekto.
Ang tanglád ay ginagamit din sa paggamot ng mga sakit sa tiyan, pagdudumi, lagnat, sakit ng ulo, ubo, at pagsusuká. Kapag pinaghalò ang langis ng tanglad at langis ng niyog, puwede itong gamiting pampahid sa mga sumasakit na likod, sa mga pilay, at iba pang pananakit ng katawan. Ang tanglad ay meron ding kontra-mikrobyo kayâ maaari din itong gamitin para sa iba’t ibang sakit sa balát.
Ang tanglád ay kilala ding balioko sa Bisaya, barani sa Ilokano, salay sa Tagalog at sai sa Manobo, Mandaya, at Sulu. (ACAL)