tángan-tángan

Ang tángan-tángan (Ricinus communis) ay isang magaspang at tuwid na palumpong, tumataas nang isa hanggang apat na metro. Ang mga dahon ay makinis, pahabâ, may hugis na kawangis ng kamay, may malangipin na gilid, may kulay na matingkad na pulá, lila, o berde. Ang mga bulaklak ay patuloy na umuusbong sa isang tuwid na tangkay. Ang mga lalaking bulaklak ay ku-lay manilaw-nilaw na lungti habang ang mga babaeng bulaklak ay pulá. Ang mga bunga ay nása isang kapsulang malabilog, lungti o pulá, at nababálot ng malalambot na tinik.

Ginagamit ng mga sinaunang Egyptian, Griego, Indian, at Chino ang langis nitó bilang pampapurga at pampailaw ng mga lampara. Patuloy na ginagamit ang ugat, dahon, at buto sa kasalukuyang panahon. Gayunman, walang bahagi ng halaman, maliban sa langis nitó, ang maaaring kainin o inumin. Mainam kuhanin ang mga buto mula Mayo hanggang Agosto. Ang dahon ay pinaniniwalaang mainam na pantapal sa sakit ng ulo at tiyan at sa mga sugat. Ang langis sa buto ay ginagamit bilang panggamot sa sakit sa balát, pampurga, pangontra sa rayuma, at pampaginhawa ng tiyan at bituka. Ang buto ay may nakalalasong laman.

Katutubo ito sa Africa, Mediterranean, at Asia. Ngayon ay matatagpuan ito sa halos lahat ng bansang nabibilang sa rehiyong tropikal. Karaniwang matatagpuan sa mga wasteland. Isa ang Filipinas sa sampung nangungunang prodyuser ng castor oil seed. Ito ay kilala rin bilang gatlawa, katana, lansina, lingang-sina, taka-taka, tangan-jawa, tawa-tawa-sina at tawa tawa. Sa Ingles, tinatawag itong castor bean, castor oil plant, palma christi, wonder tree, at oil plant. (KLL) ed VSA

 

 

 

Cite this article as: tángan-tángan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tangan-tangan/