tandíkan

Ang tandíkan (Polyplectron napoleonis) ay isang ibon na may katamtamang laki, may sukat na 50 sentimetro ang habà. Kilalá ito sa tawag na Palawan Peacock Pheasant sa wikang Ingles. Sa Palawan lámang matatagpuan ang ibong ito. Mahirap makita ang ibong ito sa loob ng kagubatan. Maingat at mabilis itong lumalayò kapag nakaramdam ng kaaway. Ang pagkain nitó ay prutas, mga buto ng halaman, insekto, at iba pang maliliit na hayop. May anim na uri ng peacock pheasant sa ibang lugar sa Timogsi-langang Asia subalit ang tandíkan ang pinakamaganda at may kaakit-akit na kombinasyon ng mga kulay.

Ang lalaking tandíkan ay kaiba sa babae. Mas kaakit-akit ang lalaking tandikan. May makintab na kulay bughaw na palong na laging nakatayô. May 2 hanggang 3 tahid sa bawat paa. Ang mga palamuting kulay sa balahibo ay kalimitang makináng, samantalang ang babae  ay  kulay kape  lámang at walang tahid. Mas maliit ang katawan ng babae. Sa pagliligawan, ang mga lalaking tandíkan ay nagsasayaw sa hawan na lugar at ang pinakamagaling magsayaw ang siyáng papan-sinin ng babaeng tandíkan. Karaniwang dalawa lámang ang iniitlog ng babaeng tandikan.

Isang endangered species o nanganganib nang mawala ang tandíkan. Nanganganib na maubos ang populasyon nitó dahil sa pagkasirà ng kagubatan at sa panghuhuli ng tandíkan upang ibenta sa mga tindahan ng eksotikong hayop. (SSC) (ed VSA)

 

Cite this article as: tandíkan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tandikan/