Lorenzo M. Tañada
(10 Agosto 1898-28 Mayo 1992)
Si Lorenzo Martinez Tañada(Lo·rén·zo Mar·tí·nez Tan·yá·da) ay isang nangungunang politiko, hukom, at nasyonalistang Filipino na nahalal sa Senado noong1947 at naglingkod nang 24 taon, ang pinakamahabàng termino ng isang senador sa kasaysayan ng Filipinas.
Isinilang siyá sa Gumaca, Quezon noong 10 Agosto1898 kina Kapitan Vicente Tañada, nanungkulan bilang hulíng gobernadorsilyo ng Gumaca noong panahon ng kolonyalismong Español, at Anastacia Martinez. Sinasabing naging mahalagang impluwensiya ang kaniyang ina sa kaniyang buhay. Ikinasal kay Expedita Zaballero Ebarle at nagkaroon ng siyam na anak, kasáma ang naging senador din na si Wigberto Tañada.
Nag-aral siyá ng elementarya sa Gumaca Primary School, ng sekundarya sa De La Salle, Maynila, at ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Nang makapasá sa bar examination noong 1924, nagtrabaho siyá bilang assistant attorney sa Camus and Delgado law firm. Nanguna siyá sa eksamen ng pamahalaan para sa mga pensiyonado na ipadadalá sa America. Nakapagtapos siyá ng Master of Laws sa Harvard University noong 1928 at Doctor of Civil Law sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1936 at nakapagaral din sa Oxford University at sa Universidad Central de Madrid.
Namunò siyá sa Civil Liberties Union laban sa mga mananakop na Japanese at pinarangalan ng Lehiyong Pandangal ng Filipinas matapos ang digmaan. Naging Hukom ng Court of First Instance ng Maynila, Solicitor General, at punò ng Office of the Special Prosecutors noong 1945. Nahalal siyáng Senador noong 1947, 1953, 1959, at 1965. Sa politika, kinilála ng iba’t ibang sektor ng lipunan, mapakomunista man o militar, ang kaniyang paninindigan laban sa korupsiyon, tiraniya, at hindi pagkakapantay. Naging tanyag din ang kaniyang nasyonalistikong kampanya laban sa Estados Unidos tulad ng pag-organisa ng mga koalisyong kontra-base at iba pang grupong tumutuligsa sa pagkakaroon ng mga sundalong Americano sa bansa. Naging aktibo sa mga demonstrasyon laban sa Batas Militar ni Ferdinand Marcos at kontra-base ng Estados Unidos at kontra- plantang nuklear noong administrasyon ni Corazon Aquino. Matapos ang Rebolusyong EDSA, pinarangalan siyá ng Lehiyong Pandangal ng Filipinas, degree of Chief Commander noong1988. Binigyan ng Senado ng standing ovation ang naka- wheelchair nang Senador noong Setyembre 16, 1991 matapos manalo sa botohan ang pagbabasura ng bagong panukalang pag-upa sa base sa Subic Bay, ang hulíng instalasyong militar ng America sa Filipinas. (KLL) ed VSA