Tamblót
(c. 1622)
Si Tamblót ay isang babaylan na naging lider ng pag-aalsa sa Bohol laban sa mga Español noong 1621.
Walang gaanong ulat tungkol sa búhay ni Tamblot bukod sa pagiging babaylan ng Barrio Tupas, Antequera, Bohol. Inibig ni Tamblot na bumalik sa dáting pananampalataya ang mga kababayan. Napaniwala naman niyá ang maraming Boholano, lalo sa bayan ng Malabago, na sa tulong ng mga sinaunang anito at diwata ay magtatagumpay ang kanilang pag-aalsa. Sinasabing umabot sa 2,000 ang sumáma sa kaniya. Nilusob nilá at sinunog ang mga simbahan bukod sa pinatay ang nahuling mga misyonerong Español.
Nagpadala si Don Juan Alcarazo, alkalde-mayor ng Cebu, ng mga sundalo sa Bohol. Noong 1 Enero 1622, nilusob ng mga sundalo ang kampo ni Tamblot sa bundok. Kasáma si Tamblot sa mga napatay at nahinto ang pagaalsa. Sinunog at binura ng mga Español ang bayan ng Malabago mula sa mapa.
Ang dalawang bolo sa watawat panlalawigan ng Bohol ay kumakatawan sa dalawang Boholanong nag-alsa laban sa mga dayuhan, sina Tamblot at Dagohoy. (PKJ) (ed VSA)