tamaráw
Ang tamaráw (Bubalus mindorensis) o Mindoro Dwarf Buffalo sa wikang Ingles, ay isang maliit na mammal na kasáma sa pamilya Bovidae. Matatagpuan lámang ito sa isla ng Mindoro sa Filipinas. Ito lámang ang hayop na miyembro ng pamilya Bovidae na endemiko sa ating bansa. Noong una, makikita ang tamaraw sa halos lahat ng lugar sa Mindoro, mula sa kapatagan hanggang sa kabundu-kan. Ngunit isang hayop ito ngayong nanganganib nang mawala.
Salungat sa karaniwang paniniwala at klasipikasyon noong una, ang tamaraw ay hindi isang subspecies ng ating lokal na kalabaw, na mas malaki, o ng isang karaniwang water buffalo. Kakaiba sa kalabaw, mas mabuhok ito, mas ma-putla ang mga marka sa mukha, hindi ito mahilig sumáma sa kawan o grupo, at mas maiikli ang mga sungay na ang hugis ay parang letrang V. Ang habà ng katawan ay 2.2 metro (7.2 piye) at ang buntot ay may sukat na 60 senti-metro (24 pulgada). Tumitimbang ang tamaraw ng 180-300 kilo (400-660 libra). Ang mga binti at hita ng tamaraw ay maiikli. May mga kulay putîng marka sa kanang mga paa at sa dakong loob ng mga unahang paa. Ang mga markang ito ay kapareho ng mga marka sa hayop na Anoa (Bubalus depressicornis).
Dahil sa patuloy na pagdálang ng populasyon ng tamaraw, maraming batas at mga organisasyon ang ginawa para sa konserbasyon ng hayop na ito. Noong 1936, ang Commonwealth Act No. 73 ay ginawa na nagbabawal sa pagpatay, pan-gangaso, o maging pagsugat sa isang tamaraw, maliban na lámang sa akto ng pag-atake ng tamaraw at bilang pagtatag-gol sa sarili o dahil sa mga kadahilanang siyentipiko. Ang paglabag ay may katumbas na parusang malaking multa at pagkabilanggo. Noong 1979, isang atas ang pinirmahan na nagbuo ng isang komite na talagang tututok sa konserbasyon ng tamaraw. Nakapagpalahi sa loob ng pagkakabihag ang pananaliksik ng isang tamaraw noong 1999. Tinawag itong “Kali.” Ngunit sa kabila ng hangaring mapigilan ang patu-loy na pagdálang ng mga tamaraw, at sa halip maparami ito, napaulat noong 2007 na nása 300 na lámang ang bilang ng hayop na ito. (SSC) (ed VSA)