talóng
Ang talóng (Solanum melongena L.) ay isang maliit na punò na may magaspang at matinik na mga sanga. Lumalaki ito ng mga kalahati hanggang isang metro ang taas. Ang dahon nitó ay pahabâ na pabilog at mabuhok ang il-alim. Ang bunga ng talong ay may makinis na balát, malaman, at may iba’t ibang hugis, pabilog o pahabâ, at iba’t-ibang kulay na gaya ng kulay lila, berde, at putî.
Matagal ang búhay ng punò ng talóng. Mara-mi itong magbunga sa panahon ng tag-init. Kapag ang bunga nitó ay malambot at makintab na ang balát, kailangan na itong anihin. Kung hindi agad ito maaani, maaaring maging matigas ito, magkakaroon ng maraming buto ang loob, at magiging mapait sa panlasa.
Sa Filipinas, maraming lutuin ang maaaring gamitan ng talóng. Isinasáma ito sa popular na lutuing Filipino na gaya ng pinakbet at kare-kare. Puwede din itong ihawin, balatan at isawsaw sa patis, o gawing atsara ang inihaw na talong. Ang iba naman ay ipiniprito ito ng sariwa o kung minsan ay hinahaluan ng binating itlog sakâ ipiprito. Mainam din itong pagkunan ng bitamina A, B, at C pati na kalsiyum, iron, at carbohydrates. (ACAL)