Talóng Pagsanjan

Isa sa mga bantog na talón ang Talóng Pagsanjan (Pag·sang·hán) at nangungunang paboritong destinasyon ng mga turista sa Filipinas. Kilala rin ito sa lokal na pan-galan nitóng Talong Magdapio at may taas na 318 talampakan. Nagmumula ang tubig ng talon sa Ilog Balanac at Ilog Bumbungan. Ito ay matatagpuan sa hanggahan ng mga bayan ng Cavinti at Lumban sa Laguna, ngunit mas sa bayan ng Pagsanjan nagmumula ang mga bangkang papunta sa talon.

Dinadayo dito ang abentura ng shooting the rapids—pagsakay sa bangkang walang katig upang sumuba sa malalakas na puwersa ng agos ng ilog sa pagitan ng mga matalim na bato. May matataas na bangin sa paligid at kakikitahan ng magagandang halamang gubat tulad ng orkidya, pakô, at mga baging. Ang bangka ay iminamaniobra ng dalawang bihasang bangkero na nása magkabilang panig ng bangka. Mahigit isang oras ang aabutin bago marating ang kaakit-akit at rumaragasang lagaslasan ng talon at halos kalahating oras lámang ang pabalik dahil sa mabilis na bulusok ng bangka pababâ ng ilog. Sa likod ng talon matatagpuan ang tinatawag na Kuweba ng Diyablo, ipinangalan dahil sa hugis ng bunganga ng kuweba na mukhang isang di-yablo. Ang pinakaibabâ o tiyan ng talon ay isang malaking natural na lawang paliguan.

Idineklara ang Talong Pagsanjan bilang isa sa mga pam-bansang parke ng bansa sa pamamagitan ng Proklamasyon Bilang 392 noong 29 Marso 1939 at Proklamasyon Bilang 1551 noong 31 Marso 1976 at mayroong 152.62 ektaryang sakop ng lupain. Subalit noong 10 Pebrero 2009, naghain ang Sangguniang Bayan ng Cavinti ng isang res-olusyon na palitan ang pangalan ng Talong Pagsanjan, at tawagin itong Talong Cavinti. Batay sa resolusyong ito, ang sikat na talon ay matatagpuan sa loob ng teritoryal na pamamahala ng bayan ng Cavinti at hindi ng bayan ng Pagsanjan. (AMP) (ed VSA)

 

Cite this article as: Talóng Pagsanjan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talong-pagsanjan/