Talóng Darának

Matatagpuan ang Talóng Darának sa Barangay Tandang Kutyo sa bayan ng Tanay, lalawigan ng Rizal. May taas itong 14 metro. Popular ito sa mga taga-Tanay at karatig na bayan, ngunit dinadayo din ng mga Manilenyo lalo at isa ang Daranak sa pinakamalapit na talon sa Metro Manila. Wala pang dalawang oras na biyahe ay matitikman na ng mga taga-Maynila ang malamig at malinis na tubig na hatid ng talon na wala sa kalungsuran. Mahilig ding gamitin ang Daranak ng mga gumagawa ng sine mula pa sa mga un-ang taon ng pelikulang Filipino. Sa kasalukuyan, paborito itong shooting location ng mga gumagawa ng telenobela at patalastas sa telebisyon. Ilan lamang sa kumuha ng mga eksena sa Daranak ay ang mga palabas na Mulawin, Panday, at Encantadia.

Dahil na rin sa popularidad ng talon, hindi pambihira na makasabay ang maraming bisita. Maaaring maglibot-libot sa mga batis sa paligid na kaunti ang tao. Malapit lang din sa Daranak ang Talong Batlag. (PKJ) ed VSA

 

Cite this article as: Talóng Darának. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talong-daranak/