Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Talóng Aliwagwág

Itinuturing na pinakamataas at isa sa pinakamagandang talon ng Filipinas ang Talóng Aliwagwág. Matatagpuan ito sa Barangay Aliwagwag, 25 kilometro mula sa kabayanan ng Cateel, Davao Oriental at may 360 kilometrong layò mula sa siyudad ng Davao.

Natatangi ang Talóng Aliwagwag sa pagkakaroon nitó ng 84 talón na bumubuo sa halos sandaang tila hagdanan ng rumaragasang tubig. Ang mga hagdan ay may taas na mula 6 hanggang 110 talampakan. Ang isang hagdan nitó ay may sukat na 72 talampakan hábang ang isa pa ay may sukat na 67 talampakan. Tinatayang may 13 lagaslasan ang dadaanan bago marating ang pinakapaanan ng talon. Kung pagmamasdan sa malayò, ito ay mistulang hagdan patungo sa langit.

Ayon sa mga eksperto, tinatayang aabutin ng dalawang araw na paglalakad bago makarating sa pinakadulo ng talon. Ang tubig nitó ay pumupunta sa Ilog Cateel at lumalabas sa Karagatang Pasipiko. Sa kabuuan, ang talon ay may 1,110 talampakan na rumaragasa at may 20 metrong lapad ng bagsak ng tubig.

Ang lugar na ito ay punô ng mga tropikal na bulaklak na nanganganib nang maubos sa Filipinas. Kamangha-mang-ha rin ang pormasyon ng malalaking batong makikita rito. Narito rin ang isdang sawugnun at sinasabing katutubo sa Cateel. Bukod sa kahanga-hangang kagandahan ng talon, nagsisilbi rin itong pangunahing pinagkukunan ng malinis na tubig ng Ilog Cateel. Naparangalan ito bilang pinakamalinis na ilog sa Rehiyon XI. Ang kagubatang kinalalagyan ng Talong Aliwagwag ay sinasabi ring libingan ng mga Mandaya. Idineklara na itong isang protektadong lugar ng pamahalaan ng Filipinas. (AMP) (ed VSA)

 

Cite this article as: Talóng Aliwagwág. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talong-aliwagwag/