talón
Ang talón (o waterfalls sa Ingles) ay isang lawas ng tubigan na matuling umaagos buhat sa itaas ng bundok pabagsak sa sahig ng isang ilog o sapa. Kagila-gilalas pagmasdan ang malaking daloy ng tubig na bumabagsak o kayâ ang napakataas na pinanggalingan nitó bago bumagsak. Pinapangkat ang mga talon sa sampung uri sang-ayon sa bolyum ng tubig na ibinabagsak, na depende din sa dami ng tubig at sa taas ng binabagtas sa pagbagsak. Kasáma sa klas 10 ang Talóng Niagara, Talóng Paulo Afonso, at Talóng Khone. Nása klas 9 ang Talóng Victoria, at klas 6 ang Talóng Yosemite.
Ang Talóng Pagsanjan at Talóng Maria Cristina ang dalawa sa pinakasikat na talón sa Filipinas. Itinuturing ang mga ito na likás na magagandang tanawin na ipinagm-malaki ng bansa. Ang Talóng Pagsanjan ay may taas na 120 metro at matatagpuan sa probinsiya ng Laguna. Ba-hagi ng aliw dito ang shooting the rapids o pagsalunga sa malakas na daloy ng Ilog Pagsanjan at pamamangka sa pagitan ng malalaking tipak ng bato na nakahambalang sa kahabaan ng ilog. Ang Talóng Maria Cristina na matatagpuan sa Lungsod Iligan, Lanao del Norte ay may taas na 98 metro. Ito rin ang pangunahing pinagkukunan ng elektrisidad na nagpapatakbo sa negosyo at industriya ng Lungsod Iligan at ibang pook sa Mindanao.
Sa Bikol at Bisaya, ang “talon” ay tinatawag na “busáy.” May mungkahi na gamitin ang “busáy” at ipalit sa pangalan ng mga “talón” upang isulat halimbawa na “Busáy Pagsanhan” ang “Talóng Pagsanhan.” Sa gayon, ang “talon” ay magsisil-bing singkahulugan na lámang ng “busáy.” (IPC)