talísay

Ang talísay (Terminalia catappa) ay isang malaking punongka-hoy na tumataas nang 20 hanggang 35 metro. Mayroong mga tangkay na papataas, simetriko, at umuusbong nang orisontal na kawangis ng isang payong. Ang mga dahon ay makikinis, humahabà nang hanggang 25 sentimetro, may hugis na tila palapad na puso, at matingkad na lungtian. Kapag malapit nang malagas, nagiging mapulá-pulaáo manila-nilaw na kayumanggi ang mga dahon. Ang mga bulaklak ay putî, maliliiit, kawangis ng tinik sa axils ng mga dahon, at humahabà nang anim hanggang 18 sentimetro. Ang bunga ay mal-aman, makikinis at biluhaba, tatlo hanggang anim na sentimetro ang habà, at kapansin-pansin ang guhit ng pagkakadikit sa gilid. Ang mga buto naman ng bunga ay maaaring kainin kapag hinog at mayroong lasa na tulad ng sa almond.

Ang dahon ay maaaring gamiting pampapawis, pampahupa ng sakit sa suso, lalamunan, at rayuma, at pampatay ng mga bulate sa katawan. Ang balát ng kahoy at ugat ay pampahilom ng sugat at sakit ng tiyan at gamot sa pagta-tae at iti. Ang mga buto ay nakakain at mayaman sa potassium, calcium, magnesium, at sodium. Ang dagta ng dahon ay pinaniniwalaang nakagagamot ng ketong. Ang katas na gawa sa mga muràng dahon ay para sa galis at iba pang sakit sa balát, sakit ng ulo at tiyan. Ang langis ay nakaka-kain at maaaring magamit sa mga aplikasyong industriyal.

Katutubo ito sa mga bansang tropikal ng Africa, Asia, at Europa at ipinakilala sa iba’t ibang bahagi ng America. Karaniwan itong matatagpuan sa tabing dagat. Sa Filipinas, tinatawag din itong banilak, dalasi, dalinsi, dalisai, hitam, kalisai, logo, savidug, salaisai, taisai, taisi. Kilalá rin bilang indian almond, tropical almond, sea almond, at umbrella tree. (KLL) ed VSA

Cite this article as: talísay. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talisay/