Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

talínum

Ang talínum (Talinum paniculatum) ay isang malaman, tuwid na yerbang tumataas nang 50 sentimetro. Ang mga dahon ay umuusbong nang magkakakumpol, pahabâ, makinis, at matingkad na lungtian ang kulay. Ang mga bulaklak ay nakagrupo at mayroong hindi regular na pinag-uusbungan, maliiit,at kulay pink. Ang mga bunga ay maliiit, mabibilog na tila  mga  hiyas,  at kulay pulá at kahel. Karaniwang itinatanim bilang halamang ornamental. Maaaring maging ligaw sa labas ng mga halamanan.

Naglalaman ang ugat nitó ng saponin, steroid, at langis. Hindi ito nakaugaliang gamitin bilang gamot sa Filipinas. Sa ibang bansa ay ginagamit bilang pampagalíng ng ubo, anaemia, pamamagâ ng bahagi ng katawan, problema sa atay at bato, panlalatâ, pagtatae, at pangkontrol ng buwanang dalaw. Sa ilang bahagi ng Asia, nagsisilbing sangkap sa pagluluto.

Katutubo ito sa iba’t ibang lugar sa America tulad ng Mexico, Arizona, Florida, Georgia, Kentucky, Louisiana, Bolivia, Brazil, Costa Rica, El Salvador, Guatemala, Nicaragua, Honduras, Panama, Peru, Venezuela, at iba pa. Tinatawag na Pink baby’s breath, fameflower, at Jewels of Opar. Pinaniniwalaang mula sa pamagat ng nobela ni Edgar Rice Burroughs, ang Tarzan and the Jewels of Opar, ang isang katawagan ng naturang halaman. Pinaniniwalaan ding tumutukoy ito sa isang sinaunang siyudad sa Africa na pinagmulan ng hinakot ng mga karabana na maraming frankincense at ginto patungo sa taguan ng kayamanan ni Solomon. (KLL) ed VSA

 

Cite this article as: talínum. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talinum/