talampúnay

 

Ang talampúnay (Datura metel), kilalá ring datúra, ay isang damo na magaspang, mabuhok at tuwid ang sanga na tumataas nang tatlong talampakan; putî hanggang mapusyaw na lila, hugis embudo, at siyam hanggang 18 sentimetro ang habà ng bulaklak; matinik at lungtian ang bilugang bunga; magkakadikit, makikinis, at mapusyaw na kayumanggi ang kulay ng buto.

Itinuturing na pampamanhid, pangontra sa hika, hilab ng tiyan, rayuma, psoriasis, haemorrhoid, bulutong, ubo, lag-nat, at pananakit ng ngipin at tainga, nakapagpapadulot ito ng halusinasyon at hipnotismo. Ang pinatuyong buto ay isang mabisang pampatulog. Naglalaman ang bawat bahagi ng tropanic alkaloid kayâ mayroong nakalalasong katangian. Ang ilang side effects ay ang mabilis na tibok ng puso, pagtaas ng presyon ng dugo, at pagkatuyo ng bibig at matá. Ang mga sintomas ng pagkalason ay paglaki ng balintataw, antok, panghihinà, at iba’t ibang tindi ng halusinasyon, deliryo, at koma.

Katutubo ito sa lugar na tropikal sa Asia at ngayon ay matatagpuan na sa iba pang rehiyong tropikal sa mundo. Karaniwang matatagpuan sa mga bukas at tinitirahang lugar sa Filipinas. Nililinang din bilang halamang ornamental. Tinatawag din itong kamkamaulan, katsibong, siva, siya, at susupan. Sa Ingles tinatawag naman itong thorn apple, angel’s trumpet, devil’s trumpet, raving night-shade, at zombie cucumber. (KLL) ed VSA

Cite this article as: talampúnay. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talampunay/