talampás

Ang talampás ay isang patag at malapad na anyong-lupa na matatagpuan sa ibabaw ng bundok. Plateau ang tawag dito sa Ingles. Ito ay may malamig na klima at magandang tirahan at taniman ng mga halamang-gulay. Ang mga kilaláng talampas sa Filipinas ay ang Lungsod Baguio at Lungsod Tagaytay na sikat sa mga turista dahil sa malamig na klima at magandang tanawin.

Ang talampás ng Baguio ay kilalá bilang “Summer Capital of the Philippines” dahil sa malamig nitong klima na mas mababà sa 8°C ang temperatura kompara sa ibang lugar sa bansa. Ito ay may laking 57.5 kilometro kuwadrado at matatagpuan sa Bulubunduking Cordillera at nakapaloob sa probinsiya ng Benguet. Ang malamig na klima rin ay angkop na angkop sa pagtatanim ng mga punòng píno at mga bulaklak, prutas, at gulay na tumutubò lámang sa malamig na pook, tulad ng strawberries, cauliflower, letsugas, at marami pang iba. Ang Tagaytay na nakapaloob sa probinsiya ng Cavite ay isa rin sa pinakapopular na desti-nasyon ng mga turista dahil makikita mula rito ang lawa at bulkan ng Taal sa Batangas. Ito ay may laking 66.1 kilo-metro kuwadrado at kilala sa mababang kahalumigmigan at temperatura na 22.7°C na mas bumababâ o lumalamig pa sa mga buwan ng Disyembre, Enero, at Pebrero. Inaanihan din ang Tagaytay ng mga bulaklak, prutas, at gulay na itinatanim sa Baguio. (IPC)

 

Cite this article as: talampás. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talampas/