talakítok

Ang talakítok ay nabibilang sa malaking pamilyang Carangidae na may halos 25 henera at humigit-kumulang na 140 specie. Malawak ang distribusyon ng talakítok, kalimitan ay nása karagatan at minsan naman ay sa medyo maalat na tubig. Ito ay makikita sa mga karagatang Atlantiko, Indian, at Pasipiko.

Ang katawan ng talakítok ay siksik, bagaman ang hugis ay lubhang nagbabago, maaaring malalim o kayâ ay pahabâ at payat. Ang panga ay kadalasang nakausli. Hindi masyadong makaliskis ang dibdib ng ilang uring tulad ng Carangoides at Caranx. Ang buntot ay patulis at nakabuka. May 24-27 bertebra. Karamihan ay may maliliit at pabilog na kaliskis. Magkakahiwalay ang maliliit na palikpik, karaniwan ay siyam at minsan ay matatagpuan sa likod at puwit na palikpik. Ito ay may dalawang palikpik sa likod, ang nása unah-ang palikpik ay may 3-9 na tinik samantalang ang sa hulihan naman ay may isang tinik. Kadalasang tatlo ang tinik ng palikpik sa puwit at ang unang dalawa ay nakahiwalay sa iba. Ang pinakamalaking Caranx ignobilis ay umaabot sa 1.7 metro ang habà at may timbang na higit sa 60 kilo.

May mabilis na lumalangoy hábang nagha-hanap ng pagkain sa ibabaw ng tangrib at dagat samantalang ang iba ay naglalagi sa buhangin. Ang batàng talakitok ay madalas nagtatago sa ilalim ng dikya. Ito ay kumakain ng lumulutang na organismo, imbertebrado, at isda. Karamihan ay sáma-sámang lumalangoy ngunit ang Alectis ay madalas nag-iisa. Ang pangingitlog ay nangyayari sa ma-bababaw na tangrib hanggang papalayô sa pampang.

Ito ay nahuhúli sa pamamagitan ng palakaya, galagad, pangulong, baklad, at kawil. Kadalasang ibinebenta nang sariwa at pinatuyong inasnan. Bukod sa komersiyal na pangingisda, ang talakítok ay importante para sa libangan o sport fishing. Ang malalaking talakitok na kadalasang naglalagi sa mga tangrib tulad ng Seriola dumerili, Caranx latus, Caranx lugubris at Caranx ignobilis ay maaaring magtaglay ng lason na kung tawagin ay ciguatera. (MA)

 

 

Cite this article as: talakítok. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/talakitok/