taláhib
Ang taláhib ay isang uri ng damo na nagmula sa pamilyang Poaceae na may siyentipikong katawagan na Saccharum spontaneum. Likás ang damong ito sa Timog Asia at isang perenyal. Tumataas ito nang tatlong metro at ang dahon nitóng pahabâ na tulad ng dahon ng tubó ay may habà na umaabot sa isang metro. Tulad ng ibang uri ng damo, ang talahib ay karaniwang matatagpuan sa iba’t ibang parte ng Filipinas, lalo na sa mga tuyong lugar. Sinasabing ang talahib ay may benipisyong medikal na nagmumula sa ugat at dahon nitó.
Maraming pinaggagamitan ang talahib sa iba’t ibang bansa sa rehiyon. Kalimitan ay gamit ito o sangkap sa pangagamot. Sa Filipinas, ang talahib ay ginagamit upang pagalingin ang impeksiyon sa bato. Ang katas ng ugat nitó ay mabisàng gamot rin para sa lagnat. Maraming mga bansa ang gumagamit ng talahib upang magpagalíng ng iba’t ibang karamdaman. Sa India, sinasabing ang katas ng talahib na nagmula sa tangkay nitó ay panggamut sa sakit ng pag-iisip. Sa Pakistan naman, ito ay mabisàng lunas ng karamdaman sa dugo.
Bukod sa medikal na gamit ng talahib, ang mga dahon nitó ay hinahabi na rin upang gawing bag. Ang pagkadiskubre sa talahib bilang isang damo na may ekonomikong kahalagahan ay nakatulong upang dumami ang produksiyon nitó. Mayroong mga nagsasaliksik sa kasalukuyan upang tuklasin ang iba pang maaaring paggamitan ng damong talahib, gaya ng konbersiyon nitó sa kardbord upang maging lalagyan ng pagkain at iba pa (SSC).