taklóbo

Ang taklóbo (Tridacna gigas) ang pinakamalaking uri ng kabibe na nabibilang sa pamilya Tridacnidae. Namamalagi ito sa ilalim ng dagat. Likás na matatagpuan ito sa Filipinas, Australia, Indonesia, Japan, Thailand, Palau, Papua New Guinea, at Micronesia. Ang malawakang pangongolekta ng taklóbo ang dahilan kung kayâ kasáma ito ngayon sa talaan ng mga nanganganib na uri ng hayop sa buong mundo.

Madalîng makilála ang taklóbo dahil sa laki at habà nitó. Napakakapal ng talukap o balát nitó at ang dalawang bulba ay may tig-isang pares ng 4-5 tatsulok na nakausli paloob. Kulay kayumanggi ang mata nitó at may maliliit na mala-asul-berdeng bílog lalo na sa gilid. Makikita ang hasang nitó sa may parang túbo na ginagamit sa pang-higop ng pagkain. Lumalaking mabilis ang taklóbo dahil kinakain nitó ang mga pagkaing nagmumula sa mga halamang algae na naninirahan sa loob nitó. Bilang kapalit, binibigyan ng taklobo ang mga algae ng isang ligtas na lugar at pagkakataóng maabot ng síkat ng araw para mag-patuloy ang photosynthesis. Ginagamit din ng taklóbo ang túbong panghigop ng tubig upang salain ang mga nagda-raang maliliit na hayop. Maaari nang mangitlog ang isang taklóbo pagsapit ng 9-10 taóng gulang.

Isang popular na pagkain ang taklóbo. Malimit din itong kolektahin para gamiting materyales sa paggawa ng mga estruktura. May mga pagsisikap na sa kasalukuyan upang tumaas ang populasyon ng taklóbo tulad ng paglalagay muli sa mga baybayin na kilaláng tirahan ng mga ito. (MA) (ed VSA)

 

Cite this article as: taklóbo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/taklobo/