taíngang-dagâ

 

Ang taíngang-dagâ (Auricularia polytricha,) ay maliit na halamang mabuhok ang katawan na may tangkay na umaabot hanggang 50 sentimetro. Ito ay isang uri ng nakakain at mala-gulamang funggus. Inaalagaan at pinararami ang mga ito para ipagbili. Ang dahon nitó ay nahahati sa tatlo na kung tawagin ay trifoliate. Ito ay may tatlong maliliit na dahon na hugis puso. Kapag sumasapit na ang hapon, natutupi na ang mga maliliit na dahon katulad sa isang payong at sumasara na ito pagdating ng gabi. Dilaw ang kulay ng bulaklak nitó.

Ang bunga ng taingang-daga ay parang mabuhok na kapsula na may isa hanggang dalawang sentimetro ang habà. Nahahati ang bunga nitó sa mga maliliit na parte at sa bawat parte ay may napakaraming butong kulay itim na tulad sa buhangin.

Ang bunga ng halamang ito ay hinahalò sa mga pagkain tulad ng salad at pansit. Makakabili ng mga tuyong taingang-da-ga sa mga palengke o malalaking tindahan. Kapag binasâ at ibinabad na ito sa tubig, ito ay lumalaki at nagiging kulay kayumanggi. Ang taingang-daga ay may kalutungan kapag isináma sa mga lutuin. Ang dahon naman nitó ay puwedeng gawing panlinis sa mga sugat na makakati. Puwede rin itong gamitin sa lagnat, masakit na tiyan, diarrhea, at ilang impeksiyon. Ayon sa mga pag-aaral sa hilagang-silangan ng India, ito ay napatunayan na may anti-bacteria na panlaban sa E. coli. (ACAL) ed VSA

 

Cite this article as: taíngang-dagâ. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/taingang-daga/