tagák

Pangkalahatang tawag ang tagák sa mga ibon sa pamilyang Ardeidae na matatagpuan sa ilog, baybayin, at pook na matubig. Ang naturang pamilya ay may 64 species ngunit ang tinatawag na tagák sa Filipinas ay yaong kauri ng putîng heron at egret sa Ingles. Ibon itong may mahabàng paa, malabay na mga pakpak, mahabàng leeg, at mahabà ring tukâ. Mahalaga ito sa ugali ng ibon na mamalagi sa tubigan at mag-abang ng matutukang isda. Migratoryo ito at kailangan ang malabay na pakpak sa mahabàng paglalakbay sa paghahanap ng bagong tubigan.

Sa Filipinas, isang simbolikong tanawin ang tagak na na-kasakay sa likod ng kalabaw na nanginginain sa bukid na may tubig. Sa Noli me tan-gere, binigkas ni Maria Clara ang isang sinaunang pani-wala hinggil sa pangyayaring walang nakatatagpo sa pugad ng tagak. Ngunit sinasabi ng mga ornitologo na kara-niwang nangingitlog min-san santaón ang tropikong heron. Gumagawa ng pugad ang mag-asawang tagak at doon nagtatalik. Matagpuan ang pugad sa mga halaman sa ibabaw ng tubigan o malapit sa tubigan. Nangingitlog ng tatlo hanggang pitó ang inahin.

Naipagkakamali ang tagak sa kahawig na ibong may ma-habàng paa, gaya ng stork at crane. Ibang-iba ang tagak sa tinatawag na tiklíng at kandurô. Iba rin ito sa kapamilyang bakáw (bagaman tinatawag ding “bakáw” ang tagak sa ilang pook) na may balahibong ginintuang kayumanggi at malimit na lumilitaw sa gabi. (VSA)

 

Cite this article as: tagák. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/tagak/