susúhong

Ang susúhong, o kamarú para sa mga Kapampangan, ay uri ng kulisap na madalas na makikita sa pinaggagapasan ng palay. Tinawag din itong suhóng ng mga sinaunang Tagalog. Kabilang ito sa pamilyang Gryllotalpidae at may pangalang siyentipiko na Gryllotalpa orientalis. Matatagpuan ang susúhong sa malaking bahagi ng Asia at Australia. Ipinagkakamali ito noon bilang Gryllotalpa africana subalit noong dekada 80, kinilála ang Gryllotalpa orientalis bilang isang bukod na espésye. Karaniwan itong itinuturing na peste sapagkat sinisira nitó ang mga pananim dahil sa pagkain sa ugat ng mga ito.

Isang espesyal na putahe sa mga Kapampngan ang adobo o pritong susuhong. Mabílog ang susúhong, manilaw-nilaw na kayumanggi ang kulay, at nása 30 milimetro ang habà. Mayroon itong maikling antena, at may mga paa sa unahan na ginagamit sa paghuhukay. Ang buong siklo ng búhay ng isang susúhong ay tumatagal nang isa hanggang tatlong taon, depende sa klima at panahon.

Madalas na namumuhay ang susúhong sa mamasâ-masâng lupa at naghuhukay ng mga daluyan sa ilalim nitó. Bukod sa mga pananim, kumakain din ito ng mga bulate at ibang insekto. Madalas itong lumilipad kapag gabi at nagagayuma ng mga pinagmumulan ng liwanag. (ECS) ed VSA

 

Cite this article as: susúhong. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/susuhong/