Sumúroy
(c. 1650)
Si Juan Ponce (o Juan Agustin) Sumúroy ay pinunò ng pag-aalsa sa Samar laban sa mga Español noong kalagitnaan ng ika-17 siglo.
Walang gaanong ulat tungkol sa buhay ni Sumuroy liban sa anak siyá ng isang babaylan sa Ibabaw (ngayo’y Palapag) sa hilagang-silangan ng Samar. Ipinalalagay na lumaki siyá sa tabing-dagat kayâ mahusay sa paglalayag. Bilang bangkero ay maganda ang kaniyang kabuhayan bukod sa hindi siyá pinagbabayad ng buwis ng mga Español.
Gayunman, kapalaran na nagpulong sa kanilang bahay ang mga manggagawa upang idulog ang kanilang suliranin sa kaniyang ama. Diumano’y sapilitang pinapupunta ng mga Español ang mga manggagawa sa Cavite upang gumawa ng mga galeon at barkong pandigma. Binalak ng mga manggagawa na umakyat na lámang sa bundok, kasáma ang kanilang pamilya, at doon na manirahan. Iminungkahi naman ni Sumuroy na dapat mag-alsa ang mga manggagawa at nagprisinta pa siyáng maging pinunò.
Pumayag ang mga manggagawa at kahit kulang sa armas at kahandaan ay sinimulan nila ang pag-aalsa noong1649. Bagama’t hindi napasuko ng mga Español si Sumuroy, hindi nagtagal ang pinamunuan niyáng pag- aalsa nang patayin siyá ng kaniya mismong tauhan noong Hulyo1650. Inihandog ng nagtaksil ang ulo ni Sumuroy sa mga Español. (PKJ) (ed VSA)