Juan Sumulong
(27 Disyembre 1874-09 Enero 1942)
Si Juan Sumulong (Hu·wán Su·mú·long) ay itinuturing na Utak ng Oposisyon noong panahon ng Komonwelt. Isinilang siyá sa Antipolo, Rizal noong 27 Disyembre 1874 kina Policarpio Sumulong at Arcadia Marquez. Ikinasal siyá kay Maria Salome Sumulong, isang malayòng pinsan, at nagkaroon ng 11 anak, apat ang namatay at pitó ang nabuhay na sina Lumen, Demetria, Lorenzo, Paz, Juan, Belen, at Francisco. Apo niya si Corazon Aquino, ika-11 Pangulo ng Filipinas, at apo sa tuhod si Benigno Aquino III, ika-15 Pangulo ng Filipinas.
Matapos mag-aral ng elementarya sa kaniyang bayan, nagpunta siyá sa Maynila upang ipagpatuloy ang pagaaral sa Colegio de San Juan de Letran. Nása kolehiyo siyá nang sumiklab ang Himagsikang 1896. Tumigil siyá ng pag-aaral at sumáma sa mga rebolusyonaryo sa Morong. Nakapagtapos siyáng abogasya sa Universidad de Santo Tomas at pumasá sa bar exam noong 1901. Habang naglilingkod bilang abogado, nagtuturo rin siya ng constitutional law sa Escuela de Derecho.
Kasama si Rafael Palma, matagumpay niyang naipagtanggol ang pahayagang El Renacimiento laban sa kasong libelo na ihinabla ng mga opisyal ng American Constabulary dahil sa pagbabatikos nitó sa mga abusong ginagawa ng mga opisyal na militar sa mga mamamayan ng Cavite. Noong1902, matagumpay niláng naipagtanggol si Isabelo de los Reyes na pinaratangan ng konspirasyon sa pagbubuo nitó ng isang unyon ng mga manggagawa na unang nagdaos ng organisadong welga sa Filipinas.
Itinalaga siyáng Hukom sa Court of First Instance noong1906 at sa Court of Land Registration noong 1908. Naging kasapi siyá ng Philippine Commission mula 1909 hanggang 1913. Naging bise presidente ng Partido Nacional Progresista na nabuo noong Enero 2, 1907. Dahil makapangyarihan noon ang Partido Nacionalista, nagsama ang partido ni Sumulong at Partido Democrata Nacional ni Teodoro Sandiko noong Agosto 1917 at tinawag na Partido Democrata. Nahalal bilang Senador ng ikaapat na distrito na binubuo ng Maynila, Rizal, Laguna, at Bataan noong 1925 at 1934. Naging bahagi siya ng Philippine Independence Mission sa Estados Unidos mula 1930 hanggang 1931. Hindi niya sinang-ayunan ang Hare-Hawes Cutting Act, ang unang batas na naggagawad ng kasarinlan sa Filipinas, dahil nasasaad dito na patuloy na mayroong kapangyarihan ang America sa mga base militar nito sa bansa.
Nakilala din siyá sa Senado dahil sa pakikipagtalo niya sa dati noong Senate President Manuel L Quezon hinggil sa reporma sa Corporation Law. Gayundin, tahasan niyang tinuligsa ang pagsasabatas ng Belo Act na nagbibigay ng taunang pondo sa gobernador heneral para sa mga tagapayong militar at tekniko na kilalá bilang Belo Boys. Noong1941, tumakbo siyá laban kay Quezon sa pagkapangulo kahit na may sakit at nanghihina. Dalawang linggo bago ang eleksyon, pinilit siyang manatili na lamang sa bahay dahil sa malubhang karamdaman. Sinasabing ilang oras bago siyá mamatay, ibinilin niya kina Jorge Bocobo at Jose Fabella na siyá at ang kaniyang partido ay hindi susuporta sa isang pamahalaang papet ng Japanese. Ipinangalan sa kaniya ang isang pampublikong paaralang sekundarya at isang highway na nagdudugtong ng Marikina at Antipolo. (KLL) ed VSA