suhà
Ang suhà ( Citrus decumana Linn.) ay isang punò na may taas na 6-13 metro. Ang bulaklak nitó ay kulay putî at mabango. Ang prutas ng suha ay bilugan o kung minsan ay biluhaba, kulay berde ang balát, at humigit- kumulang 20 sentimetro ang diyametro.
Makapal ang balát ng suhà ngunit madalî itong balatan. Ang loob ng prutas ng suha ay nahahati sa 16 hanggang 18 parte o lihà at sa bawat parte nitó ay may mga mapupusyaw na kulay rosas o kung minsan ay matingkad na kulay rosas na laman. May mga prutas na maraming buto at meron din namang may kaunti hanggang sa walang buto. Kalimitang matamis ang bunga ng suha. Kinakain ito bilang panghima-gas o pangmeryenda. Ginagawa din itong inumin lalo na sa tag-init. Ang balát naman ng suha ay iniluluto upang gawing palaman sa tinapay o kendi. Ang suha ay mataas sa bitamina B, iron, at kalsiyum.
Ang suhà ay malawakang itinatanim sa Filipinas da-hil ang lupa at klima ay sumasang-ayon sa magandang tubò nitó. May iba’t ibang uri ng suha ang itinatanim sa Filipinas gaya ng Amoy Mantan, Magallanes, Panacan, Mintal, Aroman, Sunwui Luk, at Siamese Selections. May iba’t ibang tawag sa suha sa Filipinas, gaya ng kabugaw sa Bisaya, luban sa Ifugaw, lukbán sa Tagalog, Bikol, at Ilokano, at panubang o taboyog sa Bontok. (ACAL)