sugpô
Ang sugpô (Penaeus monodon) ay kabilang sa pamilyang Penaeidae. Ito ay makikita mula sa Timog Africa, Asia, hanggang Australia. Maraming pag-aaral ukol sa taksonomiya at biyolohiya upang ito ay matagumpay na maparami sa mga palaisdaan.
Ang balát ng sug-pô ay makinis at makintab. Ang talukab ay hugis kilya at ang tinatawag na carina ay halos abot sa puwit ng talukab. Ito ay walang paayon o pahalang na mga sutura. Ang talukab at sikmura ay may pulá at putîng bándang pahalang. Ang tila tuka na nakaungos ay lagpas sa dulo ng pedangkel ng antenna, paletrang S ang hugis, at ay may 6-8 na ngipin sa likod samantalang 2-4 naman papun-tang sikmura. Ang antena ay kulay abong kayumanggi. Ang mga paang pereopod at pleopod ay kulay kayumanggi. Ang kasarian ay nakikilalá sa pamamagitan ng panlabas na katangian. Ang lalaki ay may petasma at isang pares ng apendiks hábang ang babae ay may thelycum. Ang babae ay mas malaki kaysa lalaki. Ang kulay ay nagiging mating-kad na kayumanggi o maitim-itim kapag pumapasok sa mababaw at maalat na tubig o sa palaisdaan. Ito ay isa sa pinakamalaking hipon na umaabot sa 27 sentimetro ang habà ng katawan.
Hábang lumalaki, ang sugpo ay naglalalagi sa baybayin, estuwaryo, lawa, at mga bakawan. Kapag nása dagat ay naglulungga ito sa ilalim at lumilitaw sa gabi upang maghanap ng pagkain. Ang pangunahing pagkain ng sugpo ay krustaseo (malilit na alimasag at hipon) at molusko. Maaari lámang itong maparami sa tropikong lugar. Isa ang Filipinas sa mga bansa sa Asia na may malaking produksiyon ng sugpo na ibinebenta sa ibang bahagi ng mundo. Dahil sa malawakang pag-aalaga nitó at hangad na maparami sa maikling panahon, ang industriya ay humarap sa maraming problema. Kabilang sa mga sanhi ay ang paglaganap ng sakit, kumpetisyon sa pandaidigang pamilihan, at hadlang sa kalakalan. (MA)