State of the Nation Address

Ang State of the Nation Address (Is•téyt of da Néy•syon Ad·rés) o SONA ay taunang talumpati ng Pangulo ng Filipinas na naglalayong magbalita ng kalagayan ng bansa at maghain ng panukalang hakbang at batas sa Kongreso na pinaniniwalaan niyang kinakailangan. Isinasaad sa Artikulo VII, Seksiyon 23 ng Konstitusyong 1987 ang pagtatalumpating ito ng Pangulo para sa pagbubukás ng Kongreso sa harap ng magkasámang sesyon ng dalawang kamara.

Nagsimula ito noong Panahon ng Komonwelt sa bansa. Ang Artikulo VII, Seksiyon 5 ng Konstitusyong 1935 ay nag-uutos sa Pangulo na magbigay ng talumpati sa Kongreso hinggil sa kalagayan ng bansa at magmungkahi ng mga kinakailangang hakbang para sa bansa. Sa pamamagitan ng mga Commonwealth Act, nagpapalit-palit noon ang petsa ng pagbubukás ng pulong ng Kongreso sa 16 Hunyo, 16 Oktubre, at ikaapat na Lunes ng bawat taón. Si Manuel L. Quezon ang unang nagbigay ng SONA noong 16 Hunyo 1936.

Nang maging Republika ang bansa noong 1946, ginanap ang SONA tuwing ikaapat na Lunes ng Enero. Napalitan ito noong 1973 hanggang 1977 nang ganapin ito sa opisyal na anibersaryo ng pagtatatag ng Batas Militar sa bansa tuwing 21 Setyembre. Dahil binuwag noon ng Saligang Batas ng 1973 ang Kongreso, ang talumpati ay ibinibigay para sa isang asemblea sa Malacañang o sa Luneta. Mula1979, nagaganap na ang SONA tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo batay sa Konstitusyong 1973 at sa Konstitusyong1987. Maliban noong 1983 nang maganap ito noong17 Enero bílang paggunita sa ratipikasyon ng Konstitusyong1973, at noong 1986 nang hindi nagbigay ng SONA si Pangulong Corazon Aquino. Mula nang maibalik ang Kongreso noong 1987, ginaganap ang SONA sa Batasan Pambansa sa Lungsod.

Ang pangulo na mayroong pinakamaraming SONA ay si Ferdinand Marcos na namunò mula 1965 hanggang1986. Mayroon siyáng 20 bilang ng SONA. Sumunod sa kaniya si Gloria Macapagal-Arroyo na mayroong 9 na SONA. Nása wikang Ingles ang mga SONA mula noong Komonwelt. Noong 26 Hulyo 2010, sa administrasyon ni Benigno Aquino III, unang pagkakataóng ipinahayag ang SONA sa wikang Filipino. (KLL)

Cite this article as: State of the Nation Address. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/state-of-the-nation-address/