sinarapán
Ang sinarapán o Mistichthys luzonensis ay isang uri ng biyâ na kilalá sa buong mundo bilang pinakamaliit na komersiyal na isda. Nabibilang ito sa pamilya Gobiidae. Sa Filipinas lámang ito natatagpuan at katutubo sa rehiyon ng Bikol. Kadalasang matatagpuan ang sina-rapan sa probinsiya ng Camarines Sur, lalo na mga lawa ng Buhi, Bato, Katugday, at Manapao.
Nanganganinag ang katawan nitó. Hu-bad ang ulo nitó pero nababalutan naman ng mga kaliskis ang katawan nitó. May 23-24 na kaliskis na nása hanay pahabâ samantalang anim naman ang nása pahalang.May makikitang apat na tinik sa likod. May karaniwang habàng 12.5 sentimetro ang isang sinarapan at ang pinakamalaking naitalâ ay 2.5 sentimetro.
Nahuhúli ang isdang ito sa pamamagitan ng sakag at sarap. Malinamnam at masarap na pagkain ang sinarapan (kayâ ito ang tawag sa isdang ito) at itinuturing na pinakaimportanteng pinagkukunan ng kabuhayan ng mga nanini-rahan sa lawa. Naitalâ rin ang isdang ito sa Guinness Book of World Records bilang pinakamaliit na isdang kinakain ng tao. Nanganganib na mawala ang sinarapan dahil sa la-bis na pangingisda at ang pagpapasok ng mga isdang nagmumula sa ibang lugar. Ayon sa pag-aaral, maaaring ang pagpasok ng isdang tilapya sa Lawang Buhi ang naging dahilan ng pagkaubos ng sinarapan dito. (MA) (ed VSA)