Jaime Cardinal Sin
(31 Agosto 1928-21 Hunyo 2005)
Si Jaime Cardinal Sin (Háy•me Kar·di·nál Sin) ay Arsobispo ng Maynila ng Simbahang Katoliko Romano na kilalá bilang isa sa mga pinunò ng People Power Revo lution na nagpabagsak sa diktadura ni Pangulong Ferdinang Marcos at nagluklok sa puwesto kay Corazon Aquino. Siyá ang ikatlong katutubong Filipinong Arsobispo ng Maynila. Sumunod siyá kay Rufino Cardinal Santos at sinundan ni Gaudencio Cardinal Rosales.
Noong 1957, si Sin ang naging unang rektor ng St. Pius X Seminary sa Lungsod Roxas, Capiz. Noong1972, ginawa siyáng Arsobispo ng Jaro sa Iloilo. Noong 1974, itinalaga siyáng Arsobispo ng Maynila. Noong 1976, ginawa siyáng kasapi ng Kolehiyo ng mga Cardinal ni Papa Paul VI; at ang pinakabatàng kasapi ng kolehiyo hanggang1983. Noong Pebrero 1986, naging malaki ang naging bahagi ni Sin sa pagtataguyod ng People Power Revolution. Sa isang kritikal na yugto ng kudetang naging malawakang demonstrasyon ng taumbayan, tinawagan ni Sin ang mga mamamayan upang paligiran ang Kampo Crame at Kampo Aguinaldo, punòng tanggapan ng pulisya at militar ng bansa, upang protektahan ang mga naglulunsad ng pagpapatalsik kay Pangulong Marcos. Mahigit isang milyong Filipino ang pumunô sa mga kalye, lalo sa EDSA hábang umaawit ng mga imno at nagdarasal ng rosaryo. Sa dulo. tumakas si Marcos papuntang Hawaii at nanumpa bilang bagong pangulo si Corazon Aquino. Noong2001, sinuportahan ni Sin ang tinaguriang “Edsa Dos,” ang ikalawang People Power sa kasaysayan ng bansa, na nagpatalsik kay Pangulong Joseph Estrada at nagluklok sa puwesto kay Gloria Macapagal Arroyo. Nagretiro siyá bilang Arsobispo ng Maynila noong Setyembre 2003.
Isinilang siyá noong 31 Agosto 1928 sa New Washington, Aklan kina Juan Sin, na may dugong Chino, at Máxima Lachica. Nag-aral siyá sa St. Vincent Ferrer Seminary. Pumanaw siyá noong 21 Hunyo 2005 sa Lungsod San Juan dahil sa sakit sa bato dulot ng diyabetes. Ginawaran siyá ng pamahalaan ng isang pambansang libing na dinaluhan ng libo-libong Filipino. Inilagak ang kaniyang katawan sa Manila Cathedral. Ipinangalan sa kaniya ang isang gusali sa tabi ng Simbahang Quiapo, at matatagpuan ang kaniyang rebulto sa plaza ng sinilangang bayan ng New Washington, Aklan. Ilan sa mga parangal na natanggap niya sa kaniyang buhay ay ang Philippine Legion of Honor (ranggo ng Chief Commander), Order of Sikatuna(ranggo ng Raha), Order of Lakandula (ranggo ng Bayani), at 26 doktoradong pandangal mula sa iba’t ibang pamantasan ng daigdig, tulad ng Yale University, Georgetown University, at Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila. (PKJ)