Sierra Madre

Pinakamahabàng hanay ng kabundukan sa buong Filipinas ang Sierra Madre (Si·yé·ra Mád·re). May habàng 960 kilometro, matatagpuan ito sa silangang bahagi ng mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, at Quezon. Ang karaniwang lapad nitó ay 35 kilometro at ang karaniwang taas naman ay 2,000 metro. Ang pinakamataas na bahagi ng Sierra Madre ay ang Bundok Anacuao. Mas matarik ang mga bundok na nakaharap sa Karagatang Pasipiko samantalang katam-taman ang taas ng mga nakaharap sa Lambak ng Cagayan at kapatagan ng Gitnang Luzon. Kagubatan ang malaking bahagi nitó na 1.4 milyong ektarya at kumakatawan sa 40 porsiyento ng kagubatan sa buong bansa. Maraming uri ng hayop at halaman ang nabubuhay sa kagubatan ng Sierra Madre, karamihan ay tanging sa bansa lámang makikita at nanganganib nang maubos. May mahigit isang libong katutubong Dumagat ang naninirahan sa mga baybayin at paanan ng Sierra Madre at nabubuhay sa pamamagitan ng pangangaso at pagtatanim.

Ang kabundukan ng Sierra Madre ang isa sa mga pangunahing nag- aambag sa ekonomiya ng bansa dahil sa mga watershed o natural na imbakan ng tubig na nagsusuplay ng tubig pang-irigasyon sa mga palayan ng Gitnang Luzon at Lambak Cagayan, gayundin, ng malinis na inumin at koryente na ginagamit ng Metro Maynila. Ang Northern Sierra Madre Natural Park ay binuo noong 1997, ang pinakamalaking natural na parke sa Filipinas na may mahigit 476,000 ektaryang lawak ng kalupaan. Walumpung porsiyentong bahagi nitó ay kalupaan hábang ang nalalabíng 20 porsiyento ay mga baybaying- dagat Ang parke ay tahanan ng may 240 uri ng ibon at 78 sa mga uring ito ng ibon ay di na makikita pa sa ibang bahagi ng bansa. Narito rin ang halos 60 porsiyento na uri ng halaman na makikita sa Filipinas. Noong 2001, idineklara ito ng pamahalaan na isang per-manenteng protektadong lugar. (AMP) (ed VSA)

 

Cite this article as: Sierra Madre. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/sierra-madre/