Pédro Serráno y Laktáw

(1853-1928)

Makabayang manunulat at leksikograpo, si Pédro Serráno y Laktáw ay isinilang noong 24 Oktubre 1853 sa Kupang, Bulacan kina Rosalio Serrano, isa ring leksikograpo, at Juana Laktaw. Nakuha niya ang pagiging maestro elemental mulang Escuela Normal Superior de Maestros sa Maynila at naging guro sa San Luis, Pampanga. Dito niya natipon ang kaalamang isinulat niyang “Folklore Pampango” na inilathala ni Isabelo de los Reyes noong 1889. Napangasawa niya si Roberta Buison. Mula Pampanga, lumipat siyá sa Malolos, Bulacan, pagkatapos, sa Binondo, Maynila, at naging pinunò ng isang paaralang munisipal ng Quiapo.

Naging aktibo siyá sa gawaing sibiko, kasáma nina Marcelo H. del Pilar at Mariano Ponce. Nagdulo ito sa pagiging kasapi niya ng Caja de Propaganda, na may layuning magpalaganap ng impormasyon hinggil sa abuso ng mga Español at magtanim ng mga ideang demokratiko. Naglakbay siyá sa España at nakakuha ng titulong maestro superior sa Salamanca. Naging guro siyá ng anak ni Haring Alfonso XII, at sumikat bílang unang Filipino na nagkaroon ng gayong pagkakataón. Sa España siyá naging Mason. Pagbalik sa Filipinas, itinatag nilá nina Moises Salvador at Jose A. Ramos ang “Nilad,” ang kaunaunahang lohiya sa Filipinas. Nang itatag ni Rizal ang La Liga Filipinas, si Pedro ang nahirang na sekretaryo nitó. Dahil sa mga gawaing ito, natanggal si Pedro sa pagtuturo at nabilanggo.

Bago sumiklab ang Himagsikan, naging kontrobersiyal si Pedro sa organisasyong Mason, nakaaway si M.H. del Pilar. Napaalis siyá sa organisasyon at naglingkod sa Revista Catolica ng Simbahan. Walang ulat sa gawain niya sa unang yugto ng Himagsikang Filipino. Sa ikalawang yugto, nag-ambag siya ng mga artikulo sa El Heraldo de la Revolucion. Ngunit noong Mayo 1898, tinanggap niya ang tungkulin sa sangguniang asamblea ng mga Español para pigilan ang paglahok ng sambayanan sa himagsikan. Ngunit noong Digmaang Filipino-Americano ay nagsulat siyá sa mga patriyotikong Ang Bayan, Kalayaan, at Kapatid ng Bayan.

Dalubhasa sa Tagalog at Español, pinakabantog na akda niya ang Diccionario Hispano-Tagalog (1889) na pinuri ni Rizal. Dito ay nanguna siya sa paggamit ng titik K. Noong1914, lumabas ang Diccionario Tagalog-Hispano at kikilalanin itong awtoridad ng mga eksperto sa wika. Namatay siyá noong 22 Setyembre 1928. (GVS)

Cite this article as: Serrano y Laktaw, Pedro. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/serrano-y-laktaw-pedro/